9 aktibista sa Calabarzon hindi dapat pinatay ng PNP kung 'di armado — Palasyo

MANILA, Philippines — Ipinangangako ng Malacañang na paiimbestigahan ang marahas at sabay-sabay na raid ng Philippine National Police (PNP) sa opisina ng ilang aktibista sa rehiyon ng Calabarzon, Linggo, bagay na ikinamatay ng siyam katao.

Ito ang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, Lunes, pagdating sa tinaguriang "Bloody Sunday" killings ilang araw matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na "barilin ang mga nagpapabagsak sa gobyerno" nang "hindi iniisip ang human rights."

"Siguradong-sigurado po akong iimbestigahan natin 'yan, at kung meron pong nagkamali lilitisin at paparusahan," wika ng tagapagsalita ni Digong.

"[K]ung hindi po sila armado, eh ang umiiral po ay ang ating batas, ang ating Revised Penal Code at ang human rights law. Hindi po sila pupwedeng patayin unless there is necessity ang proportionality... Kung wala pong necessity and proportionality, that would be the crime of murder."

Una nang naiulat na kasama sa mga napatay si Bayan-Cavite coordinator Manny Asuncion, mag-asawang sina Chai Lemita at Ariel Evangelista atbp. habang nakatakas naman ang 10-taong gulang nilang anak. Sinasabing miyembro ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwasak ng Kalikasan at Kalupaan ang mga Evangelista.

Kasama din sa mga naaresto sina Bayan-Laguna chapter spokesperson Mags Camoral. Ilan pa sa mga na-raid kahapon ang headquarters ng mga aktibistas sa probinsya ng Rizal.

Ayon kay Roque, susubukin niyang kunin si Justice Secretary Menardo Guevara bukas sa kanyang programa upang mapag-usapan ang mga raid na naganap. Kaugnay niyan, isang Department of Justice (DOJ)-led task force na ang nag-iimbestiga sa pagkamatay ng siyam

Sa kabila ng Administrative Order 35 Task Force na sumisilip sa mga extra-judicial killings, wala pang nakukulong sa likod ng mga pagpatay sa mga aktibista simula nang maluklok si Duterte noong 2016 ayon sa mga progresibong grupo.

'Ligal na aktibista, hindi armadong NPA'

Iginigiit ng PNP na may nakumpiskang pampasabog at baril kaugnay ng mga raids, bagay na wala raw katotohanan sabi ni Bagong Alyansang Makabayan secretary-general Renato Reyes Jr.

"Lahat po ng inaresto, lahat ng pinatay... all of them were legal activists. They are unarmed... Sila po ay mga legal activists publicly known, they are known by their communities, they are staying in their homes," sabi ni Reyes sa isang press briefing.

"They are not personalities of alleged communist-terrorist group as the PNP claims. Hindi po sila mga armadong rebelde."

Aniya, kahit na Kaliwa ang kanilang paniniwala ay walang basehan para sila'y arestuhin at patayin. Wala na rin daw naniniwala sa retorikang "nanlaban" ng PNP lalo na't nakuha pa raw makipag-usap ng mga aktibista kaugnay ng search warrant.

Kanina lang nang muling igiit ng PNP na armado ang mga nabanggit matapos nilang hainan ng mga search warrant.

"With search warrants, the police simply responded to the call of our communities to be protected from individual persons found with illegal possession of firearms and explosives," sabi ng PNP public information office.

"If on the contrary some critics have evidence in their favor, they can go to the court to file their complaints. Otherwise, their claim of questioning the legitimacy of police operations is, as usual, left in emptiness."

Mga kwestyonableng warrant?

Binanatan naman ni Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson Bong Labog ang mga inilabas na search warrants sa mga napatay, partikular na kay Asuncion. Kahina-hinala raw kasi na inaaresto siya sa Workers Assistance Center (WAC) sa Dasmariñas, Cavite kahit nakapangalan ang kanyang warrant sa  personal na bahay.

"Ang search warrant ay naka-address sa kanyang bahay sa Rosario, Cavite at hindi sa opisina ng WAC dito... sa Dasmariñas," ani Labog.

"Habang yakap [ng kanyang misis si Asuncion], kinaladkad ito pababa... at wala pang dalawang minuto ay nakarinig na sila ng sunud-sunod na putok. Patay agad si kasamang Manny."

Kinekwestyon din ngayon ng National Union of People's Lawyers (NUPL) ang ligalidad ng pagpasok ng kapulisan sa mga nabanggit na kabahayan, lalo na't mga hukom mula sa Maynila ang nag-isyu ng search warrants para sa Sunday raids.

Hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng mga ganitong kwestyon sa pag-iisyu ng warrant laban sa mga inaakusahang aktibista.

Ayon sa abogadong si Krissy Conti ng NUPL, meron sila ngayong hawak na limang kaso na "kataka-takang" galing lahat kay Quezon City Judge Cecilyn Burgos-Villavert. Ilang araw pa lang nang pakawalan ang Manila Today editor na si Lady Ann Salem at labor organizer na si Rodrigo Esparago, na kasama sa mga nahainan ng warrant ni Villavert. Nakita ng korte na maanomalya ang pagpapatupad ng mga nasabing warrant. — may mga ulat mula kay Franco Luna

Show comments