Arawang infection ng COVID-19 sa bansa 3,356 na, kaso lagpas-lagpas 597,000
March 8, 2021 | 4:00pm
MANILA, Philippines — Pumalo patungong 597,763 ang kabuuang bilang ng tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas ngayong Lunes sa muling paglobo ng arawang kaso sa 3,356.
Nakikipagbuno pa rin ngayon sa sakit ang nasa 39,330 sa bansa, o 'yung mga "aktibong kasong" 'di pa gumagaling o namamatay.
Nasa lima naman ang bagong ulat na binawian ng buhay kung kaya'y lumobo na sa 12,521 ang total domestic deaths. Sa kabila niyan, higit na marami ang ligtas na sa panganib sa 545,912.
Anong bago ngayong araw?
- Ngayon ang pang-apat na sunod na araw na lagpas 3,000 ang bagong ulat na kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa iisang araw lang simula pa noong Biyernes.
- Kanina lang nang igiit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bagama't tumataas ang bilang ng COVID-19 cases, wala pa itong direktang kaugnayan sa mga mas nakahahawang "variants" na unang nadiskubre sa South Africa at United Kingdom. Aniya, mas makatotohanang sabihin na dahil pa rin ito sa hindi pagsunod nang marami sa minimum health standards na itinakda ng gobyerno.
- Bagama't sunud-sunod ang lagpas 3,000 daily increases mula Biyernes, naninindigan ang DOH na hindi pa pinag-iisipan ngayon ang pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) sa mga rehiyon. Kaugnay niyan, sinabi naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na mas mainam pa rin ang localized lockdowns kaysa ECQ at modified ECQ. Kung gagawin ito, dapat daw ay sa lebel lang ng barangay, kalya, purok, sitio, atbp.
- Darating ang 13 milyong doses ng Moderna vaccines kontra COVID-19 sa ikalawa hanggang ikatlong kwarto ng 2021. Sa ngayon, tanging CoronaVac ng Sinovac at AstraZeneca vaccines pa lang ang nasa Pilipinas na siyang tinatanggap pa lang ng mga healthcare workers at kasundaluhan.
- Bagama't "napakahirap," kampante naman ang Malakanyang na kaya pa ring maabot ang 50-70 milyong target vaccinees ng gobyerno bago matapos ang 2021 basta't dumating agad ang bakuna sa Pilipinas: Kaya nga importante na si Secretary Galvez ay humanap na nang mas marami pang mga bakuna," dagdag ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.
- Umaabot na sa 116.13 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, halos 2.6 milyon na ang binawian ng buhay.
— James Relativo
BrandSpace Articles
<
>
Philstar
- Latest
Latest
Recommended