MANILA, Philippines — Bubusisiin ng Department of Education (DepEd) ang ulat na pagbebenta ng mga sagot sa mga learning modules ng mga mag-aaral.
Sinabi ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio, paiimbestigahan nila ang bagay na ito dahil hindi ito makakatulong sa isang bata para matuto sa kanyang mga aralin.
“Hindi puwedeng gawin ito hindi ito makakatulong sa pagkakaroon ng honesty ng mga kabataan at hindi rin dapat pabayaan na ang mga magulang ang sasagot ng mga aralin ng mga kabataang mag-aaral,” dagdag ni San Antonio.
Anya, hindi niya papayagan na magkaroon ng bentahan ng sagot sa learning modules at kung may mga guro na nasa likod ng pagbebenta ay hindi magdadalawang isip ang tanggapan para ito ay maparusahan.