DOH inismol '10% efficacy' ng AstraZeneca vs bagong COVID-19 variant
MANILA, Philippines — Sinisikap ng Department of Health (DOH) na pahupain ang pangamba ng ilang eksperto kaugnay sa diumano'y mababang bisa ng coronavirus disease (COVID-19) vaccine ng AstraZeneca laban sa B1.351 variant na nakapasok na sa Pilipinas.
Kahapon nang ikabahala ni Fr. Nicanor Austriatico, isang biologist at fellow ng OCTA Research Group, ang diumano'y 10% efficacy ng AstraZeneca laban sa COVID-19 variant na nadiskubre sa South Africa — bagay na nasa bansa na. Ibinatay 'yan ng OCTA Research sa bagong pag-aaral abroad na na-publish noong Pebrero.
Aniya, masasayang lang ang 17 milyong doses ng AstraZeneca na binili ng gobyerno kung hindi masusugpo ang "South African variant" lalo na't ineffective daw ito dito. Pero sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi pa raw gaano katibay ang resulta ng nasabing pag-aaral.
"Itong study na sinasabi... napakaliit ng sample. Maliit 'yung sample, it's less than 2,000. And these were among individuals na young at saka hindi pa peer-reviewed 'yung study," ani Vergeire, Miyerkules, sa isang media forum.
"Ibig sabihin, hindi pa kumpleto 'yung ebidensya to state na talagang mangyayari ito. Ngunit, siyempre, pinakikinggan natin itong mga lumalabas na pag-aaral katulad niyang kina Fr. Austriaco ng OCTA, katulad nitong mga publications na ito, kinokonsidera natin 'yan para hindi tayo nagkakaroon ng pagpapabaya."
Wika pa ng DOH official, nag-iingat pa rin naman daw sila lalo na't lumalabas na sa pag-aaral na bumababa ang efficacy ng AstraZeneca drug laban sa B1.351. Gayunpaman, hindi raw ibig sabihin nito na mawawalan na ng bisa ang immunization efforts.
Matatandaang nauna nang nagsimulang magturok ng CoronaVac COVID-19 vaccines sa Pilipinas nitong Lunes, bagay na ibinibigay muna sa healthcare workers at kasundaluhan sa ngayon.
"No matter what the publications say, bumaba ng ganito ang efficacy, hanggang wala tayong certainty we will continue to use the vaccines," patuloy ni Vergeire.
"So tuloy-tuloy po ang pagbabakuna natin at inaasahan natin na ang mga bakunang ito ang somehow makakapagtulong sa atin to contain and to prevent more variants from entering or being transmitted in the country."
Sa huling ulat ng DOH nitong Miyerkules, umabot na sa 582,223 ang nahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Patay na sa bilang na 'yan ang 12,389 katao.
Parang nagtuturok ng tubig sa 'African variant' patients?
Kahapon lang nang sabihin ni Austriatico na hindi niya mairerekomenda ang AstraZeneca ngayon lalo na't ilang bansa na raw ang umiiwas dito matapos ang nababalitang mababang efficacy sa bagong variant na mas nakahahawa.
"Basically, South Africa decided to abandon the AstraZeneca vaccines because it was no different from injecting water into the patients. With 10% protection, basically most people would still be able to get mild and moderate COVID-19," sabi ng OCTA Research experts.
"This is the concern. If we do not eliminate the B1.351 variant in the Philippines which was first identified yesterday in Pasay, the 17 million doses of AstraZeneca that we have already bought... will be ineffective against fighting against this particular variant from South Africa."
Fr. Nicanor Austriaco, a biologist and fellow of the UP-OCTA reseach says the B1351 variant of the sars-cov-2 lessens the efficacy of AstraZeneca's covid-19 vaccine. Noting a study abroad, the variant brings down the AstraZeneca's shot's efficacy from 70% to 10%. pic.twitter.com/ZJ7x98ZmUW
— Greg Gregorio (@GVGregorio_TV5) March 3, 2021
Dagdag pa niya, posibleng mas maging epektibo pa nga raw ang CoronaVac vaccine ng Sinovac kaysa sa AstraZeneca pagdating sa B1.351.
Gayunpaman, sinabi ng DOH na wala pang pag-aaral na makapagsasabing mas epektibo rito ang Chinese drug.
"Ang Sinovac kasi wala siyang study na tinignan kung effective siya sa variants o hindi, so hindi natin 'yan makokomnentohan kasi wala tayong ebidensiyang pinaghahawakan," ani Vergeire.
Sa ngayon, idadaan daw muna ng gobyerno sa masusing pagdedebate kung kani-kanino sa populasyon nila ibibigay ang AstraZeneca, bagay na una daw nilang ituturok sa priority population gaya ng healthcare workers, senior citizens atbp.
Una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque kahapon na darating ang 487,200 doses ng AstraZeneca mamayang gabi sa pamamagitan ng COVAX facility, bagay na hindi pa kinukumpirma ni vaccine czar Carlito Galvez Jr.
- Latest