New COVID-19 variant na 'may epekto sa bisa ng bakuna' nasa bansa na
MANILA, Philippines — Napasok na ng coronavirus disease (COVID-19) variant na unang natagpuan sa South Africa (B.1.351) ang Pilipinas, bagay na sinasabing mas nakahahawa at makakaapekto sa bisa ng mga bakuna ayon sa Department of Health (DOH), Martes.
Ang bagong variant ay sinasabing nadiskubre matapos suriin ang 350 samples na galing sa ikawalong batch na na-sequence ng Philippine Genome Center (PGC).
"Of the six (6) South African variant cases, three (3) are local cases, two (2) are returning Overseas Filipinos (ROFs), and one (1) case is still being verified as to location," wika ng DOH
"While there is no evidence that this variant causes more severe disease, the pattern of mutations within this variant suggests higher transmissibility and may have an impact on vaccine efficacy."
Sinasabing galing sa mga sumusunod ang nasabing B.1.351 variant:
- tatlong (3) local cases
- dalawa (2) mula sa returning Overseas Filipinos (ROFs)
- isa (1) kaso ang kinukumpirma pa kung saang lugar nanggaling
The Department of Health reports that six cases of the COVID-19 variant first seen in South Africa were detected in the Philippines. @PhilstarNews pic.twitter.com/OWH7WMad9b
— Gaea Cabico (@gaeacabico) March 2, 2021
Tinitiyak pa naman daw sa ngayon ang statuses ng dalwang ROFs na galing sa United Arab Emirates (UAE) at Qatar. Hindi pa tiyak kung lokal na kaso o galing sa ibang bansa ang ikaanim na pasyente.
'Mas okay nang may Sinovac vs South African variant'
Bagama't sinasabing may epekto sa bisa ng COVID-19 vaccines ang variant na nabanggit, naninindigan ang DOH na mas okay nang tinuturukan ng gamot ang mga Pilipino.
Kahapon lang nang simulan ng Pilipinas ang immunization program na ito gamit ang CoronaVac vaccine ng Chinese manufacturer na Sinovac.
"50% efficacy [of CoronaVac] is better than nothing. This is for mild disease. Pero 'yung 100% na hindi na ako maoospital... that is so much for me already," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kanina.
"At 'yung sa mga bakuna naman po, bumababa man ang efficacy base sa pag-aaral ng ibang bansa, eh nandiyan pa rin po. Hindi naman niya sinabing wala na talagang bisa ang bakuna. So ibibigay pa rin po natin ang bakuna kahit may ganitong ebidensya."
Tinatawag na "escape mutation" ang phenomenon sa variant na nabanggit, kung saan maapektuhan ng variant ang mekanismong nagpro-produce ng antibodies laban sa espesipikong sakit kahit nagbabakuna na.
Dagdag pa ni Vergeire, hindi lang bakuna ang pansalag sa bagong variants kung hindi ang pagpapatuloy pa rin ng pagsunod sa minimum public health standards na mas importante ngayong nakapasok na ang mas nakahahawa at resistant na variants.
Dagdag 30 'UK variant' cases, 2 new mutations
Samantala, lalo pang nadagdagan ang mas nakahahawang COVID-19 variants sa Pilipinas na unang nadiskubre sa United Kingdom.
"With the addition of the 30 cases detected in the latest genome sequencing btach, the total B.1.1.7 variant cases in the country is now 87," patuloy ng DOH.
Sinasabing nagmula sa mga sumusunod naman ang mga bagong UK variant cases:
- 20 kaso ay ROFs
- tatlo (3) ay local cases
- pito (7) ay tinitiyak pa kung local cases o ROFs
"The twenty (20) detected ROFs entered the country from the Middle East, Singapore, and the United States of America between January 20 and February 16, 2021. Thirteen (13) of these are asymptomatic active cases, while seven (7) have now recovered," dagdag pa ng kagawaran.
Nananatiling aktibo naman ang isang lokal na B.1.1.7 variant cases sa Cordillera Administrative Region (CAR), habang gumaling na ang isa at namatay ang isa sa parehong rehiyon.
Samantala, napag-alaman ding merong N501Y at E484K mutations ang dalawang samples mul;a sa Region 7. Gayunpaman, nabawasan din ng dalawang kaso ng mutations kung kaya't nananatiling nasa 34 ang kasong nasabing mutations.
Sa huling ulat ng pamahalaan, umabot na sa 578,381 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. 12,322 na ang namamatay sa kanila noong Linggo. — may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico
- Latest