Duterte nanawagang 'ipagtanggol ang demokrasya' sa ika-35 taon ng EDSA

Talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, ika-24 ng Pebrero, 2021, habang nakikipagpulong sa mga core members ng Inter-Agency Task Force on the Emerging Infectious Diseases (IATF-EID)
Presidential Photos/Karl Alonzo

MANILA, Philippines — Bagama't wala na naman sa mga pisikal na pagtitipon sa EDSA, nagpaabot ng kanyang pakikiisa sa paggunita ng ika-35 anibersaryo ng People Power si Pangulong Rodrigo Duerte, Huwebes.

Naglabas ng statement ang pangulo kahit dati nang sinabi ni Digong na "very good" ang Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos — ang diktador na pinatalsik sa pwesto ngayong araw noong 1986.

Basahin: Duterte praises Marcos' Martial Law as 'very good'

Kaugnay na balita: Duterte firm on decision to bury Marcos at heroes' cemetery amid protests

"Today, we mark the 35th Anniversary of the People Power Revolution inspired by the valor of those whose sacrifice made the liberties we enjoy today possible," ani Digong kanina.

"May this serve as a constant reminder for all of us to remain vigilant in safeguarding our democratic institutions, preserving our values and upholding our rights as Filipinos."

Ito na ang ikaapat na taong hindi sumipot ang presidente sa pagsariwa ng okasyon, bagay na ginanap kanina sa People Power Monument sa Quezon City.

Hindi si Digong kundi si Quezon City Mayor Joy Belmonte ang nanguna sa flag-raising rites kaugnay ng okasyon kanina. Wala rin siya sa "wreath laying ceremony" bilang paggunita sa pagdiriwang.

Kahapon lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na wala pang nakararating na balita sa kanya kung sasali si Duterte sa mga aktibidad ngayong araw.

"Guided by the spirit of EDSA, let us set aside our differences and work together in building a legacy that we can proudly leave for future generations of Filipinos," dagdag pa ng presidente.

"I wish everyone a meaningful celebration."

Kaugnay ng okasyon, bantay sarado ang EDSA Shrine ng kapulisan ngayong araw. 

Hinabol naman at inaresto ng Philippine National Police (PNP) ang isang lalaki sa People Power Monument matapos aniya mag-iwan ng bag sa lugar, ayon sa ulat ng ABS-CBN. Kaso nang buksan, mais at gulay lang pala ang laman at hindi bomba.

Robredo: Marami pang banta sa demokrasya

Samantala, nanawagan naman si Bise Presidente Leni Robredo na magkaisa ang lahat lalo na't marami pa rin daw banta sa demokrasya hanggang ngayon.

"Tumindig tayo noon laban sa korapsyon at pang-aabuso ng gobyerno. Laban sa walang direksyon at walang pusong pamamahala. laban sa walang awang pagpatay sa ating mga mahal sa buhay, kaibigan at kababayan," ayon sa ikalawang pangulo.

"At sa dulo, nagtagumpay tayo. Sa kabila ng kapangyarihan at kamay na bakal ng rehimeng Marcos, ang pananalig at pagkakapit-bisig ng taumbayan ang napatunayang mas malakas at mabisa na puwersa."

Matatandaang umabot sa 70,000 ang ipinakulong ng Martial Law ni Marcos, maliban sa 34,000 na tinorture at 3,200 na pinatay, ayon sa Amnesty International.

Sa kabila niyan, naninindigan si Robredo na muling nanumbalik ang mga banta sa kalayaan habang binabaluktot aniya ang kasaysayan: "Our democracy, ever fragile, is still under constant threat. There are efforts to revise history for the personal agenda of a powerful few. We are still in the process of forging the nation we dreamt of," banggit niya.

Sinabi niya ito kaugnay na rin ng mga "historical revisionists" na pinaparangalan pa rin ang legacy ng mga Marcos sa pwesto. Panahon din aniya ng pagkakaisasa ngayon para na rin solusyunan ang mga suliranin gaya ng umiiral na coronavirusd disease (COVID-19) pandemic.

"Today, we are reminded of what we can do, marching towards a shared horizon, bound not only by the crisis we face, but by our collective resolts to trulu achieve the promise articulated 35 years ago — isang lipunan mas malaya, mas makatarungan at mas makatao," wika pa ni Robredo.

Kaugnay ng mga pagdiriwang, naglunsad din ng kilos protesta ang iba't ibang militanteng grupo ngayong araw sa labas ng Camp Aguinaldo, habang tinututulan ang panunumbalik ng diktadura.

Tangan-tangan din ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang mga banner na nananawagan para sa pagbabasura ng Anti-Terrorism Law, bagay na ginagamit diumano ni Duterte para ipakulong at tawaging terorista ang mga ligal na aktibista.

— may mga ulat mula sa ONE News at News5

Show comments