MANILA, Philippines — Muling iginiit ni Pa-ngulong Rodrigo Duterte na hindi tatakbo bilang pangulo ng bansa ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Sinabi pa ni Duterte na naaawa siya sa kanyang anak at ang pulitika sa bansa ay kababuyan.
“Inday Sara is not running. I have really really put my foot down. Naaawa ako sa anak ko. Ang pulitika dito sa Pili -- kababuyan,” ani Duterte sa briefing sa Tandag City, Surigao del Sur.
Kasabay naman nito, muling binanatan ni Du-terte si dating Sen. Antonio Trillanes III.
“Lalo na si Trillanes pati ‘yong anak kong 16 years old ginawa pa ‘tong drug lord,” dagdag pa nito.
Nagbabala rin si Duterte na dapat magingat kay Trillanes lalo na kung ito ang mauupo dahil ibebenta nito ang mga mamamayan sa demonyo.
“Ito si... Be careful of Trillanes. Be careful of Trillanes. Magbantay kayo. They will sell --- he will sell you to the devil pag ‘yan ang nakaupo, patay. Ako, sabi ko sa mga Pilipino, ‘pag ‘yan ang naging opisyal ninyo, eh ‘di kayo. Walang ginawa, walang hiya iyan sa totoo lang,” ani Duterte.
Nauna rito, sinabi ni Governor Alexander Pimentel na dapat kumbinsihin ni Duterte ang anak o kaya ay si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na tumakbong presidente upang maipagpatuloy ang mga proyekto ng kasalukuyang administrasyon.