MANILA, Philippines — Pinag-iisipan na ngayon ng pamahalaan na lalong pasimplehin ang mga requirements na hinihingi sa mga biyaherong nais magbakasyon sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic — kasama na riyan ang tuluyang pagtatanggal sa testing para lalong mapasigla ang turismo.
Ilang lugar pa rin kasi gaya ng Boracay at Bohol ang kasalukuyang humihingi ng COVID-19 swab at saliva tests bago magpapasok ng turista sa kanilang lugar.
Basahin: RT-PCR test result still required for entry to Boracay, Bohol allows saliva test
Kaugnay na balita: DOT to subsidize swab test for Boracay tourists
"Gusto na naming ipatanggal 'yung travel order tska local health certificate [na ibinibigay ng mga presinto] kasi medyo irrelevant na," ani Interior Undersecretary Epimaco Densing, Martes, sa panayam ng TeleRadyo. Gayunpman, subject pa raw ito sa diskusyon kasama ang mga alkade at gobernador.
"Tinitignan din namin 'yung posibilidad na wala na tayong [COVID-19] testing [sa turista]... Kahit ma-test ka three days before travel, hindi mo ho alam kung anong mangyayari doon sa tatlong araw bago ka bumiyahe."
Bahagi raw ito ng pagsusumikap ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT) na gawing standard ang rekisitos sa mga bumabiyaheng turista kaysa iba-iba kada local government unit (LGU).
Nauna nang ipinatanggal ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia nitong Lunes ang dating hinihingi nilang swab test results sa mga turistang nais pumunta sa kanilang lugar para na rin buhayin ang kanilang ekonomiyang winasak ng mga lockdown.
Ito ay kahit na may nadiskubreng dalawang mutation ng COVID-19 sa Central Visayas kamakailan na "posibleng may public health implication."
Una na ring gumamit ng antigen testing ang Baguio City para matukoy kung may COVID-19 o wala ang kanilang mga bisita lalo na't kinakailangan na raw nilang buhayin ang turismo sa lugar.
Enero 2021 lang nang iulat ng United Nations World Tourism Organization (UNWTO) na umabot na sumirit patungong $1.3 trilyon ang kita na nawala sa turismo sa buong mundo simula nang humagupit ang COVID-19.
'Clinical assessment sa terminal'
Aniya, nakaraang taon pa sinasabi ng Department of Health (DOH) na dapat lang obligahin magpa-test ang mga nagpapakita ng sintomas ng virus, mga na-expose sa may COVID-19 o mga kasalukuyang pasyente ng sakit.
Binabanggit na rin daw ng mga epidemiologist at mga doktor na hindi basta-basta makakapanghawa o mahahawa ng virus basta't laging sumusunod sa minimum health standards: "95% less risk of transmission," wika pa ng DILG official.
Kung lulusot ang nasabing plano sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), sasaklawin nito ang mga land at sea travels.
"Ang panukala po namin ay magkakaroon ng clinical testing sa terminal of origin at terminal of desination... pagpasok mo ng airport o sea terminal, che-check-upin ka na roon," ani Densing.
"Hindi lang ito ordinaryong check-up kundi clinical assesment ang tawag po natin diyan... Kung wala ka talaga senyales ng COVID-19, pwede ka nang papasukin."
Kaugnay na balita: 8 Boracay tourists held for faking COVID-19 test results
Inihahapag ng DILG ang naturang kalakarin kasabay ng pagtutulak ng National Economic Development Authority (NEDA) na mailagay sa pinakamaluwag na modified general community quarantine (MGCQ) ang buong Pilipinas sa Marso. Sa kabila niyan, pinalagan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte at sinabing gagawin lang ito kapag nagsimula na ang pagbabakuna.
Umabot na sa 563,456 ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong Pilipinas sa huling taya ng DOH nitong Lunes. Sa bilang na 'yan, patay na ang 12,094.