Bagyong Auring napanatili ang lakas
MANILA, Philippines — Napanatili ng bagyong Auring ang kanyang lakas habang nasa Philippine sea sa silangan ng Mindanao.
Alas-10:00 ng umaga kahapon, namataan ng PagAsa ang sentro ng bagyong Auring sa layong 595 kilometro ng silangan timog silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 75 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 90 kilometro bawat oras.
Dulot nito, nakataas ang Signal number 1 ng bagyo sa Visayas partikular sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Cebu, Negros Oriental, Bohol, at Siquijor gayundin sa Mindanao sa Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Davao Oriental, Davao de Oro, Davao del Norte, Davao City, Camiguin, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Lanao del Norte, Bukidnon, at Lanao del Sur
Dahil kay Auring, binayo ng malakas na pag-ulan ang Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat Islands, at Eastern Visayas samantalang katamtaman hanggang sa malakas na pag ulan ang naranasan sa Misamis Oriental, Camiguin at nalalabing bahagi ng Caraga. Mahina hanggang sa katamtaman namang pag-ulan ang naranasan sa Central Visayas, Davao Oriental, Davao de Oro, Davao del Norte, at nalalabing bahagi ng Eastern Visayas at Northern Mindanao.
Ngayong Linggo ng hapon hanggang sa Lunes, makakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa buong Leyte, Southern Leyte, Cebu, Bohol, Surigao del Norte, at Dinagat Islands. Mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan naman na minsay lalakas ang ulan sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Bicol Region, MIMAROPA, southern portion ng Quezon, nalalabing bahagi ng Visayas at Caraga.
Dahil sa matinding pag-ulan, maaaring magdulot ito ng matinding pagbaha sa naturang mga lugar.
- Latest