Phivolcs nagbanta sa posibleng pagsabog ng Taal
MANILA, Philippines — Nagbanta ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng posibleng pagsabog ng Bulkang Taal sa Batangas na katulad nang naganap na pagsabog noong nakalipas na taon.
Ito ay sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum nang makapagtala sa nakalipas na 24 oras ng 69 earth tremors sanhi ng “hydrothermal activity,” na may gas mula sa magma ang nagpapainit sa tubig sa ilalim ng Taal Volcano Island.
Ang pagsabog ay maaaring makaapekto sa volcano island. “Iyong tubig na iyan at iyong steam o gas ay kumikilos kaya maraming paglindol. Ito rin po ang nagdudulot ng pagpapainit sa Taal main crater lake at sa pagiging mas acidic nito,”sabi ni Solidum.
Anya ang pagsabog ay makakaapekto sa volcano island kaya’t kailangang may preemptive evacuation ang dapat na isinasagawa doon.
“Ito po iyong ating tini-tingnan, tumataas po ang posibilidad na magkaroon ng phreatic eruption or explosion tulad po noong nangyari noong initial part ng Jan. 12, 2020 activity ng Taal Volcano. Ito pong ganitong pangamba ay makakaapekto lamang sa kasalukuyan doon sa volcano island mismo,” dagdag ni Solidum.
Huling sumabog ang bulkang Taal noong Enero 2020 na nagdulot ng pagbuga ng abo na umabot pa sa Metro Manila kung saan naapektuhan ang mara-ming lugar sa Luzon, marami ang nagsilikas at bilyong halaga ng mga pa-taniman ang nawasak.
Nananatili anyang ipinagbabawal ang sinuman na makapasok sa Taal volcano island dahil sa banta ng pagsabog ng bulkan.
“Sa atin pong mga kababayan sa paligid ng Taal Volcano na nasa mainland, wala pong threat sa kasalukuyan ang Bulkang Taal sa inyo; ang bawal lang ay pumunta sa volcano island,” sabi pa ni Solidum.
- Latest