1 bagong kaso ng UK variant, may konek sa MRT COVID-19 cases - DOH
MANILA, Philippines — Ibinunyag kahapon ng Department of Health (DOH) na ang isa sa bagong kumpirmadong UK COVID variant ay may koneksyon sa cluster ng COVID cases sa MRT, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ito ay 46-anyos na babae at naka-home quarantine sa Pasay City.
“And connected po siya sa cluster ng MRT cases natin, yung MRT employees. Kasi, yung anak niya was from the MRT, nagtatrabaho doon,” dagdag pa ni Vergeire.
Natukoy ito na positibo sa virus noong Enero 25 na naiulat ng DOH noong Pebrero 12 na kabilang sa 19 na mga bagong UK variant cases.
Enero nang iniulat na ang MRT-3 ay tinamaan ng 2nd wave outbreak ng COVID-19 kung saan nagpositibo ang nasa 43 manggagawa.
Matapos din ang beripikasyon, natukoy din ng DOH ang 5 pang kaso ng UK variant na kinabibilangan ng isang 20-anyos na babaeng taga-Mountain Province na nagpositibo sa pre-departure swab test sa National Capital Region (NCR) noong Enero 12 at ngayon ay nakabalik na sa Mountain Province.
Isang 37-anyos na naman na may address sa Bukidnon na matagal namalagi sa Metro Manila bago tinamaan ng sakit at nagpositibo sa virus noong Enero 25.
May isa ring 25-anyos na babaeng nagmula sa Dasmariñas, Cavite ang nagpositibo sa UK variant nitong Enero 31 at nasa isolation naman ng Region 3.
Isang babae rin na 47-anyos na returning overseas Filipino mula sa Morocco ang dumating sa bansa noong Enero 12 na matapos ang 10 araw ng isolation ay nagpositibo muli sa virus.
Ang panlima naman ay 49-anyos na taga-Rizal province na inaalam pa kung returning overseas Filipino.
Sa kabila nito, sinabi ni Vergeire na hindi pa naman sapat ang mga ebidensiya na magsasabing mayroon nang community transmission sa bansa ng UK variant.
- Latest