MANILA, Philippines — Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbayad ang gobyerno ng Amerika sa Pilipinas kung nais nila na magpatuloy ang mga aktibidad sa ilalim ng Visiting Forces Agreement.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa kanyang talumpati matapos inspeksyunin ang ilang bagong biling air assets ng Department of National Defense sa Clark Air Base, Air Force City, Clark Field sa Pampanga.
Sinabi ni Duterte na ang VFA ay isang “shared responsibility” kaya dapat magbayad ang Amerika.
“I want to put notice, if there is an American agent here, if you want VFA, you have to pay. You have to pay because it is a shared responsibility,” ani Duterte.
Sinabi pa ng Pangulo na may responsibilidad ang Amerika at hindi ito libre dahil kapag nagka-giyera lahat ay magbabayad.
“Your share of responsibility does not come free because after all, when the war breaks out, we all pay,” ani Duterte.
Ipinahiwatig pa ng Pangulo na malaki na ang pakinabang ng Amerika sa Pilipinas.
“In the past, ang hinanakit ko, we ask so much from them because they have taken so much from us na libre...iyong advancing their troops in our land, okay lang ‘yan sa akin. We do not want to quarrel with anybody,” ani Duterte.
Matatandaan na ipinag-utos ni Duterte ang pagsasantabi ng VFA noong Pebrero ng nakaraang taon matapos i-revoked ng Amerika ang US visa ni Sen. Ronald Dela Rosa.