Turok bago lisensya? FDA payag na sa 10k Sinopharm doses ng PSG
MANILA, Philippines — Binigyan na ng pahintulot ng Food and Drug Administration (FDA) ang Presidential Security Group (PSG) na gumamit ng ilang bakuna mula Tsina laban sa coronavirus disease (COVID-19) kahit na hindi pa ito nabibigyan ng emergency use authorization (EUA) at rehistro sa bansa.
Ang balita ay ibinahagi ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang media briefing ng Palasyo, Huwebes.
"Nag-issue po ng compassionate use license ang ating FDA para sa 10,000 dosage ng Sinopharm," wika ni presidential spokesperson Harry Roque, Huwebes ng umaga sa isang media briefing.
"Ito po ay sang-ayon sa application ng ating Presidential Secrutiy Group o PSG."
Ngayon lang ibinigay ng FDA ang "compassionate use license" kahit Setyembre 2020 pa lang ay nagturok na ng bakuna sa sarili ang PSG habang wala pa itong EUA sa Pilipinas. Iligal din na ini-smuggle ang Chinese COVID-19 vaccines noon.
Retroactive ba ang bisa? Sabi ng FDA 'hindi'
Hindi pa naman klaro kung maproprotektahan ng bagong lisensya ang PSG sa nauna nilang akto noong nakaraang taon, bagay na kinumpirma na noon ni PSG chief Jesus Durante III sa panayam ng ANC.
Sa ilalim ng Republic Act 9711, ipinagbabawal ang importation, pagbebenta, distribution, non-consumer use atbp. ng mga health products na hindi rehistrado sa FDA.
"I do not know if it is retroactive. I do not know when it will actually start its next round of vaccination of involving Sinopharm," paliwanag ni Roque.
"All that I know is that PSG has applied and was granted compassionate use for 10,000 dosage."
Una nang ipinagtanggol ni Roque ang paggamit ng PSG sa unregistered, smuggled vaccines lalo na't "hindi naman daw ito binili."
Sa kabila niyan, Enero 2021 nang sabihin ni Domingo na pwedeng magbigay ng special permit ang kanilang ahensya sa mga grupo gaya ng PSG para makagamit ng mga bakuna kahit wala pa itong EUA.
Pero paliwanag ni Domingo sa Philstar.com, hindi nito maproprotektahan ang dating paglabag: "Not really. Kasi 'yung CSP ang ginagamit to import the drug or vaccine."
Basahin: Pagturok ng unregistered COVID-19 vaccine sa mga tropa 'hindi iligal' — Roque
May kinalaman: Small groups, like PSG, can get special vaccine permits – FDA
Paglilinaw ng Department of Health (DOH), ang nasabing permit ay para lamang sa mga pagtuturok ng Sinopharm magmula ngayon.
"For future use and the permit is for one time importation. They first applied on Jan. 18 and they recently completed all requirements," sabi ng DOH kanina.
Dati nang pinapaimbestigahan ng Makabayan bloc ang illegal vaccination ng PSG, ang security group ng presidente, kahit na iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag silang magsasalita sa asnumang probe ng Konggreso sa nangyaring innoculation.
Matatandaang ipinatigil din noong nakaraang buwan ni noo'y Armed Forces of the Philippines chief Gen. Gilbert Gapay ang sana'y gagawin nilang fact-finding investigation kasunod ng utos ni Digong.
Sa ngayon, tanging Pfizer at Astrazeneca pa lang ang may EUA para sa COVID-19 vaccine use. Ang EUA ay authorization na ibinibigay ng FDA sa mga bakuna para magamit sa panahon ng "public health emergency" kahit na wala pang pormal na rehistro. — may mga ulat mula kay Xave Gregorio
- Latest