MANILA, Philippines — Makakatanggap ng dagdag na P10,000 cash aid ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino sa ilalim ng Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) Assistance Program sa gitna na rin ng pandemya sa COVID-19 na dinaranas sa bansa.
Ito’y sakaling maisabatas ang inihaing House Bill (HB) 5987 ni dating Speaker at Taguig –Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, misis nitong si Taguig Rep. Lani Cayetano at mga kaalyado nito sa Kamara para mabigyan ng karagdagang cash assistance ang mga pamilyang apektado ng COVID 19 pandemic.
Sa ilalim ng HB 5987 ay magtatatag ng Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) Assistance Program na magkakaloob ng P 1,500 kada miyembro ng pamilya o P10,000 sa bawat tahanan.
Prayoridad ng programang mabigyan ang senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, mga nawalan ng trabaho, medical frontliners, pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFWs), mga indibidwal na hindi nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP), mga may Philippine National ID, at mga miyembro ng mga vulnerable sektor.
Kasama sa may akda ng panukalang-batas sina Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund “LRay” Villafuerte, Jr., Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu, Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez, Bulacan 1st District Rep. Jose Antonio “Kuya” Sy-Alvarado, at Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor.
Kapag maipasa ang panukalang batas na ito ay makatutulong din ito na “lumakas ang household consumption, na makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya” na dumanas ng pinakamatinding economic contraction mula nang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa panayam sa dating Speaker, kung itutuloy ang pamimigay ng ayuda ay matutulungan hindi lang ang consumers kundi pati ang mga supplier at buong ekonomiya ng bansa.
“Yung P10,000 per family, parang kukuha ka sa kaliwang bulsa, babalik din sa kanan, dahil iikot din ‘yon sa ating ekonomiya,” pahayag ni Cayetano.