MANILA, Philippines (Corrected 10:56 am, February 4) — Kinundena ng sari-saring grupo ang pagpaslang sa isang lider-magsasaka sa parehong araw na dinedebate sa Supreme Court ang kontrobersiyal na Anti-Terrorism Law of 2020 nitong Martes.
Ika-2 ng Pebrero nang pagbabarilin ng apat na hindi pa kilalang suspek si Antonio "Cano" Arellano bandang 6 a.m. sa Brgy. Jonob-jonob, Escalante City, ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA).
Related Stories
Itinuturing si Arellano, chairperson ng Paghiliusa sa Mangunguma sa Sitio Binabono (PMSB), bilang ika-314 magsasakang napatay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
"He was shot on his head, arm, and hand," paliwanag ng UMA sa pangunguna ng kanilang chairperson na si Antonio "Ka Tonying" Flores.
"[W]ho are the real terrorists[?] Are they those being killed by state security forces like NFSW members and many other activists nationwide or those criticizing the ATL who are victims of state terrorism?"
Nangyari ito sa parehong araw ng isinagawang oral arguments sa Korte Suprema laban sa anti-terror law kahapon, kung saan petitioner si Flores na kaalyado nina Arellano.
Ang PSMB ay isang grupo ng mga magsasakang kaalyado ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), na siyang member organization naman ng UMA.
Sinasabing nasa 100 aktibista na, na hindi armadong rebelde, ang napapatay sa Isla ng Negros — marami riyan ay miyembro ng NFSW. Kasalukuyang nasa ilalim ng Executive Order 32, s. 2018 ang naturang lugar bilang pagtugis sa "lawless violence."
Matagal na raw iniuugnay ng Philippine National Police (PNP) ang grupong UMA sa rebeldeng New People's Army (NPA), bagay na ikinaaresto na ni NFSW secretary general John Milton "Ka Butch" Lozande noong ika-31 ng Oktubre, Rene Arquillo, Jr. atbp.
"Duterte is willing to kill fellow Filipinos if only to demonstrate to foreign monopoly capitalists that their investment is secure in Negros and other parts of the Philippines," ayon naman kay Angelo Suarez, co-convenor ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA).
"We call on fellow artists to condemn the Terror Law not only for its impact on our political rights like our right to expression, but on its impact on the economic rights of the most oppressed sector: our farmers."
CONDEMN THE ONGOING STATE-SANCTIONED KILLINGS IN NEGROS! Feudal violence explodes yet again on the island of Negros....
Posted by SAKA on Tuesday, February 2, 2021
Nataon ang pagpatay kay Arellano habang kapapasa lang sa House Committee on Constitutional Amendment ang "economic charter change" (cha-cha) kahapon, na siyang magpapahintulot sa dayuhang pagmamay-ari ng lupa.
Kontrobersiyal ang anti-terrorism law na tinututulan ni Arellano at kanyang grupo, na siyang pwede raw gamitin hindi lang sa mga terorista ngunit pati raw sa mga ligal na aktibista't kritiko — kahit walang warrant of arrest.
Kinukuha pa ng PSN ang panig ni PNP hinggil sa pagpaslang ngunit hindi pa makapagbigay ng sapat na impormasyon hinggil sa insidente.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana, hindi pa nakaaakyat sa pambansang tanggapan ng kapulisan ang naturang krimen.