NCR 'price ceiling' sa karne ng baboy, manok ipinagpaliban muna ng DA
MANILA, Philippines — Hindi muna maipatutupad agad-agad ang pagtatakda ng hangganan sa presyo ng ilang produktong baboy at manok sa Metro Manila kasunod ng biglaang pagsirit nito sa merkado bunsod ng kahirapan sa suplay at pananalasa ng African swine fever (ASF).
Lunes nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 124 matapos umabot sa higit P400/kilo ang presyo ng baboy sa pamilihan kasabay ng COVID-19 crisis.
Basahin: 'Price ceiling' sa mga produktong baboy, manok ipinatupad sa Kamaynilaan
Sabi ni Agriculture Secretary William Dar sa pagdinig ng Kamara, Martes, sa ika-8 ng Pebrero pa ipatutupad ang EO 124 at mga palengke lang ng Kamaynilaan ang sakop nito — 'di kasama ang supermarket.
"[The price cap will be] effectively enforced by Feb. 8, 2021 by all the institutions involved — the local price coordinating council in every LGU in Metro Manila, to be supported by DA, [Department of Trade and Industry], [Department of the Interior and Local Government] and many other departments," ani Dar.
"Itong price ceiling na ito ay para lang sa public markets. Bakit hindi pa isama ang supermarket? Para may option naman ang mamimili."
Ayon naman kay Department of Agriculture spokesperson Noel Reyes, ginawa ang postponement sa pakiusap na rin ng hog raisers at traders.
Una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, Lunes, na babawalan ang pagbebenta ng pigue ng baboy higit sa P270/kilo, liempo na higit sa P300/kilo at dressed chicken na lampas 160/kilo.
Isinisisi ni Dar ang biglaang pagtaas sa mga presyo dahil na rin daw sa ilang trader at wholesaler ngayong may ASF outbreak. Nasa higit P200/kilo daw ang profit margin nila sa ngayon sa pagitan ng farmgate price ng buhay na baboy at retail price nito sa mga palengke.
Pinasinungalingan naman ni Nicanor Briones, bise presidente ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc. na "nilalaro" nila ang mga presyo para pumabor sa kanila.
"Hindi po totoo 'yan dahil naghahanap siya (Dar) ng puwedeng pagsisihan kung bakit tumataas nang malaki ang presyo ng baboy," ani Briones sa panayam ng dzBB kanina.
Una nang humingi ng umento sa sahod at pagkontrol sa presyo ang sektor ng mga manggagawa kaugnay sa mga nagtatataasang bilihin para makaagapay sa problema.
Hinaing pa nila, mahirap magkaroon ng dagdag resistensya laban sa COVID-19 kung hindi man lang makabili ng masustansyang pagkain ang karaniwang obrero.
"Napakatagal na panahon - pinandemya, binagyo at pinapatay na tayo ni Duterte, pero ang sahod ng manggagawa nakapako. Panawagan namin - pabilisin ang pag-apruba sa umento nang makabili kami ng mga kailangan namin," ani Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno, dalawang linggo na ang nakalipas.
Sa price monitoring ng DA ngayong ika-2 ng Pebrero, nakapako pa rin sa P400-P420/kilo ang presyo ng liempo, habang nasa P370-P380/kilo ang pork ham (kasim). Naglalaro naman sa P170-P200/kilo ang isang buong fully dressed chicken.
Oras na maging epektibo ang price ceiling, ipatutupad ito sa National Capital Region (NCR) sa loob ng 60 araw.
- Latest