MANILA, Philippines — Wala raw katuturan ang mga paratang na inuuna ng Armed Forces of the Philipines (AFP) ang pagtugis sa mga kritiko ng gobyerno kaysa pagdedepensa sa teritoryo ng Pilipinas, pagdidiin ng Malacañang, Lunes.
Nangyayari ito matapos makahuli ng illegal Chinese vessel sa Bataan nitong Miyerkules, "angkinin" ng Tsina ang ilang bahagi ng West Philippine Sea at ibasura ng gobyerno ang UP-DND Accord — bagay na ginawa raw laban sa "CPP-NPA recruitment" sa Unibersidad ng Pilipinas.
Related Stories
Nasa West Philippine Sea, na exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, ang mga pwersa ng Tsina matapos balewalain ng Beijing ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016 na nag-aaward ng naturang lugar sa Maynila.
"Wala pong katuturan 'yan. 'Yan po 'yung propaganda na sinasabi ni Vice President Leni [Robredo]," ani presidential spokesperson Harry Roque, Lunes.
"Ang ating depensa po ng teritoryo, primarily Philippine Navy at Coast Guard. 'Yung mga nagsasalita laban po sa 'Pulahan,' ito po 'yung [National Task Force to End Local Communist Armed Conflict] na tinatawag na kabahagi po ng [AFP]."
Giit ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, magkahiwalay ang AFP sa navy at coast guard na nagbabantay sa teritoryo ng Pilipinas. Ito ay kahit na parte ng AFP ang navy. Parte rin ng kasundaluhan ang PCG sa panahon ng digmaan.
Bahagi ng NTF-ELCAC ang ilang matataas na opisyal ng AFP, na matagal nang nag-uugnay sa mga ligal na aktibista sa mga armadong rebeldeng komunista kahit magkaiba ang dalawa.
Maliban sa pagputol ng UP-DND Accord, na magpapahintulot sa pagpasok ng AFP at Philippine National Police (PNP) sa UP, kapapasa lang din bilang batas ang Anti-Terrorism Act of 2020 na pinangangambahang "magagamit laban sa mga kritiko ng gobyerno."
Resolusyon vs Chinese dredging sa Bataan
Samantala, inihain naman ngayong araw ng Makabayan bloc ang House Resolution 1528 na naglalayong imbestigahan ang "pamamayagpag" ng Chinese dredging ships sa Pilipinas.
"[T]his incident is not the first time when Chinese-manned dredging ships were caught conducting illegal activities in the Philippines. Since 2017, there are several reports of illegal Chinese dredging activities in different parts of the country," ayon sa Makabayan bloc.
"Moreover, there are reports saying that the dredged materials from these illegal Chinese operations are being used in the creation of artificial islands in the West Philippine Sea."
Kasama sa mga lumagda sa resolusyon ay sina Bayan Muna Reps. Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite, Eufemia Cullamat, ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Rep. Arlene Brosas at Kabataan Rep. Sarah Jane Elago.
Dagdag nila, maaaring parte ang mga iligal na dredging activities sa "papalalang Chinese aggression" sa West Philippine Sea.
"It is the duty of the State and all its instrumentalities to protect the country and its people from external threats such as these illegal foreign operations," dagdag ng mga mambabatas.
Nais namang ipasilip lalong Palasyo ang mga naturang iligal na aktibidades sa Bataan, lalo na't malapit ito sa pinagkukunan ng "black sand" sa Zambales.
Pagtataka pa ni Roque, sino ang nagbibigay ng pahintulot sa mga nasabing dayuhang dredgers.
"[S]ana po ay mabigyang kasagutan ng DENR... Ginagamit ba itong Chinese dredging vessels na ito para kunin 'yung tanging-yaman ng Pilipinas at ipadala sa ibang bansa?" wika ni Roque.