MANILA, Philippines — Naitala ang pinakamababang temperatura para sa National Capital Region (NCR) at Lungsod ng Baguio para sa taong 2021 nitong Linggo, pagkukumpirma ng PAGASA.
Umabot sa 19.9°C ang lamig sa Kamaynilaan kahapon, habang bumulusok naman patungong 9.4°C ang Baguio City — ang tinaguriang "summer capital" ng bansa.
"For the next 3 days over the area (Baguio), we are expecting at least the minimum temperature will range from about 10-12 degrees Celsius. Now, here in Metro Manila, yesterday we also recorded lowest since 2021," ani PAGASA weather specialist Chris Perez, Lunes, sa panayam ng CNN Philippines.
"And for the next three days, the minimum temperature range will be from about 20-22 degrees Celsius. So, brace for early morning temperatures."
Tinatayang magtatagal ang lamig na panahon sa bansa hanggang ika-3 o ika-4 na linggo ng Pebrero dahil na rin sa Hanging Amihan.
Nakaapekto ang Amihan sa halos buong bansa sa ngayon, o yaong malamig at tuyong hangin na nagmumula sa Siberia at Tsina na siyang umiihip patungo sa Timogsilangang Asya.
Nobyembre 2020 nang magsimulang maramdaman ang naturang weather phenomenon sa Pilipinas, bagay na magtatagal ng ilang buwan.
Wala namang nakikitang anumang sama ng panahon na maaaring makaapekto sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw, ayon sa weather specialist na si Meno Mendoza, kanina. — James Relativo