‘No fail policy’ ngayong pandemic ‘di patas – DepEd

Ayon kay DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, hindi patas para sa maraming mag-aaral na nagsisikap pa ring mag-aral sa kabila ng mga hamon ng pan­demya, kung maging ang mga estudyante na hindi siniseryoso ang kanilang pag-aaral ay ipapasa rin.
The STAR/Miguel de Guzman, file

MANILA, Philippines — Tutol ang Department of Education (DepEd) sa ‘no fail policy’ o ang rekomendasyong ipasa na lamang ang lahat ng mag-aaral sa klase ngayong School Year 2020-2021 dahil na rin sa dinaranas nilang mga hamon sa pag-aaral bunsod ng impact ng pandemya COVID-19.

Ayon kay DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, hindi patas para sa maraming mag-aaral na nagsisikap pa ring mag-aral sa kabila ng mga hamon ng pan­demya, kung maging ang mga estudyante na hindi siniseryoso ang kanilang pag-aaral ay ipapasa rin.

Ipinaliwanag ni San Antonio na kailangang maunawaan ng mga bata na ang pag-aaral ay sini­seryoso at nangangaila­ngan ng pagsusumikap.

Nanindigan din siya na higit na magkakaroon ng magandang motibasyon ang mga bata na mag-aral dahil alam nilang ang lahat ng kanilang ginagawang pagsusumikap ay minamarkahan ng maayos ng mga guro.

Ani San Antonio, nauunawaan naman nila na ang gusto ng panukala ay mabawasan ang stress at anxiety ng mga bata ngunit iginiit na hindi naman maaaring lahat ng bata ay papasa.

Binigyang-diin pa ni San Antonio na ang pagpapatupad ng ‘no fail policy’ ay hindi magtuturo ng responsibilidad sa mga bata.

Show comments