MANILA, Philippines — Pumanaw na si Presidential Anti-Crime Commission Chairman Dante Jimenez dahil sa aortic aneurysm.
“With deep sorrow, the Family announces the passing away of Dante Jimenez, PACC Chairman due to Aortic Aneurysm at 9:43 pm, Friday, January 29, 2021,” saad ng pamilya sa pahayag.
Bago pa maitalaga si Jimenez sa PACC, nagsilbi rin siya bilang founding chairman sa advocacy group Volunteers Against Crime and Corruption.
Unang dinala sa Chinese General Hospital noong Biyernes ng gabi si Jimenez matapos umanong makaramdam ng hindi maganda sa kanyang katawan.
Matapos ang ilang oras, binawian ng buhay si Jimenez. Si Jimenez ay itinalaga ni Pang. Rodrigo Duterte bilang Chairman ng PACC para pangunahan ang paghahanap sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang Malacañang sa pamilya, mahal sa buhay at katrabaho ni Jimenez.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ginugol ni Jimenez ang kanyang buhay sa pagsusulong ng patas at mapayapang lipunan sa pamamagitan ng paglaban sa kriminalidad at korupsyon.—Mer Layson