MANILA, Philippines — Aalisin na ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang arancel system o pagbabayad sa mga pari sa kanilang serbisyo dahil sa dinaranas na pandemya sa bansa.
Sa isang “pastoral statement on stewardship”, inihayag ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang arancel system ay dapat nang tuluyang tanggalin dahil naging ‘prejudicial’ ito laban sa mga mahihirap.
Ipinaliwanag ni CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles, na ang ‘fixed amount’ na hinihingi para sa serbisyo ng simbahan ay naging hadlang sa mga mahihirap upang tumanggap ng biyaya at pagpapala ng Panginoon.
Ang arancel system ay ang praktis ng pagbibigay ng ‘fixed amount’ sa simbahan para sa serbisyong kanilang ipinagkakaloob para sa mga mananampalataya.
Gayunman, nagdesisyon ang simbahan na alisin ito ng unti-unti hanggang sa tuluyang mapalitan ng konkretong stewardship program, upang hindi maging hadlang sa mga mamamayan sa pagtanggap ng serbisyo ng simbahan. Ilang diocese na sa bansa ang matagal na ring hindi nagpapatupad ng arancel system.
Ayon naman sa CBCP, magtatatag na lamang sila ng isang service arm na siyang tutulong sa mga diyosesis na mahihirapang ipatupad ang programa dahil sa pandemya, na isang malaking dagok para sa mga pinagkakagastusan ng mga parokya.
Abril 2019 nang simulan na ang pagtatanggal ng arancel sa serbisyo ng pari sa pagbabasbas at misa sa mga patay.