MANILA, Philippines — Hindi pa nakakapasok sa Pilipinas ang bagong variant ng African swine fever na unang naiulat na nasa bansang China.
Ayon kay Department of Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes, hindi makakapasok ang bagong strain ng ASF sa ating bansa dahil mahigpit na ipinagbabawal na makapasok ang fresh at frozen meat, canned processed pork at canned pork products mula China.
Binigyang diin nito na lahat ng mga bansa na may ASF ay nakalista na sa ahensya kaya pagpasok pa lang ng mga bagahe sa quarantine sa immigration ay agad ipinadedeklara nila ang mga dalang karne o processed canned meat para maiwasan ang pagpasok ng meat products na may ASF.
Sinabi ni Reyes na konti lamang ang insidente ng ASF sa ating bansa at pahupa na ito kaya’t patuloy ang bantay ASF sa mga barangay para maiwasang lumaganap pa ito.
Sinasabing nakuha ang bagong strain sa China mula sa hindi rehistradong bakuna kontra sa sakit at pinangangambahang kumapit ito sa frozen meat at maging sa mga de lata.
Umaasa naman si Reyes na bababa na rin ang presyo ng baboy sa merkado sa mga darating na araw dahil sa paparating na imported pork mula sa mga bansang walang ASF at mga suplay galing naman mula sa mga lugar sa Pilipinas na walang ASF.