MANILA, Philippines — Sinampahan ng kasong kriminal sa Valenzuela Prosecutor’s Office ng isang doktor na medical director ng diagnostic center ang kanyang kapwa doktor dahil umano’y nameke ng daan-daang COVID-19 swab test result gamit mismo ang kanyang molecular laboratory.
Una nang naghain ng administrative case si Dr. Alma Radovan-Onia, residente ng Quezon City at medical director ng Marilao Medical and Diagnostic Clinic Inc. (MMDCI) kay Professional Regulation Commission (PRC) Chairman Tiofilo Pilando Jr. laban kay Dr. Jovith Royales, manager at CEO (chief executive officer) ng Best Care Medical and Diagnostic Clinic sa Barangay Karuhatan, Valenzuela City, para sa pagbawi ng lisensiya nito sa pagkadoktor.
Batay sa affidavit-complaint ni Radovan-Onia, nagkaroon siya ng verbal agreement kay Royales na magdadala ng specimen mula sa mga pasyente gamit ang COVID-19 test kits mula sa MMDCI.
Oktubre13, 2020 nang tumigil ang Best Care sa pagpapadala ng specimen sa MMDCI laboratory para sa Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) swab testing.
Dito na rin nadiskubre ni Radovan-Onia ang umano’y pamemeke ng swab test result nang umamin at lumantad ang isa sa mga medical technologist nito.
Sa affidavit ni Dennil John Abucejo, nabatid na hanggang noong Disyembre 1, 2020 ay patuloy na tumatanggap ng specimen ang Best Care para sa COVID-19 testing na isinasagawa sa laboratory nito sa Brgy. Karuhatan gamit ang tinatawag na SD Biosensor Antigen procedure.
Subalit ayon kay Abucejo, muli siyang inutusan ni Royales na mag-print ng ‘RT-PCR COVID-19 Swab Test’ na gamit ang letterheads ng MMDCI dahil maraming pasyente ang nagreklamo dahil hindi tinanggap ng mga ahensya sa gobyerno ang kanilang dalang swab test results mula sa Best Care matapos madiskubreng walang License to Operate a Covid-19 (SARS-Cov-2) tes-ting laboratory na ito.