MANILA, Philippines — Aabot sa milyong ‘work-from-home workers’ o freelancers kabilang na ang mga content writers, artists at wedding planners ang mabibigyang proteksyon matapos pumasa sa Kamara ang Freelance Workers Bill.
Sinabi ni 2nd District Albay Rep. Joey Salceda, Chairman ng House Ways and Means Committee at pangunahing may-akda ng House Bill 1527, o “An Act Protecting Freelance Workers in the Gig Economy Sector”, layon ng panukala na magbigay proteksyon sa interest ng mga freelancers na inaagrabyado ng mga kumuha sa kanilang serbisyo tulad ng hindi pagbabayad sa kanilang trabaho.
Sa ilalim ng HB 1527, labag sa batas ang hindi pagbayad sa mga ‘freelancers’ sa serbisyo nila sa loob ng 15 araw lampas sa isinasaad sa nilagdaan nilang kasunduan, o pagkatapos ng kanilang serbisyo kung walang pormal na kontrata. Maaari ring maghabla ang nadedehado o naaapi.Ayon kay Salceda, kailangan ang naturang batas dahil sa ilalim ng Labor Code, hindi kasama ang ‘freelancing’ at walang pormal na balangkas para sa kanila na ang bilang ay umaabot na sa 1.5 milyon bago pa ang pandemya.
“Milyun-milyong Pilipino na ang nabubuhay sa ‘freelancing’ matapos mawalan sila ng trabaho dahil sa pandemya na inaasahang higit pang dadami habang sumusulong ang ‘digital technology’ at dahil dito’y nangangailangan ang mga ito ng proteksyon laban sa mga mapagsamantala,” wika pa ng solon.