34 close contacts ng 'UK variant cases' sa Bontoc nahawaan ng COVID-19
MANILA, Philippines — Parami na nang parami ang bilang tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa mga nakasalamuha ng mga kumpirmadong may mas nakahahawang United Kingdom variant ng nakamamatay na sakit sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Una nang lumabas sa pag-aaral ng UP-Genome Center na 12 sa 17 nakikitaan ng B.1.1.7 variant ng COVID-19 sa Pilipinas ay matatagpuan sa Bontoc, Mountain Province.
Ito ang ibinahagi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa media ngayong araw, Lunes.
"There were 34 other confirmed cases among the close contacts of these UK variant cases," ani Vergeire sa media forum ng Department of Health (DOH).
"[W]e had [six] where UK variant was not detected, who were part of the batch that were processed. We are left with 28 more that we need to send for sequencing."
Sabado nang ianunsyo ng DOH na may isang Pilipinong nanggaling abroad na dumating ng Bontoc noong ika-13 ng Disyembre, na siyang nagsagawa ng religious ritual kasama ang marami pang iba.
Pagsapit ng ika-14 ng Disyembre, nagsimula nang magpakita ng mga sintomas ng COVID-19 ang mga dumalo sa nasabing pagtitipon.
Sa ngayon, kinukunsidera na ng DOH bilang index case, o unang UK variant case, sa Pilipinas ang nasabing kaso sa Bontoc noong nakaraang buwan.
"We are still determining the index case as we do our back tracking of contact tracing. Though now we treat the individual who came home nung dec 13 as our index case," paliwanag pa ni Vergeire.
Dati nang inakala ng DOH na isang Pilipino mula sa Dubai, United Arab Emirates (UAE) ang unang kaso ng UK variant sa bansa.
Basahin: Philippines confirms first case of new COVID-19 variant
Kasalukuyang nagsasagawa ng lockdown sa Bontoc kaugnay ng mga nasabing kaso ng COVID-19, na siyang ni-localize lalo para sa baranggay Samoki.
Ayaw pa namang sabihin ni Vergeire na "superspreader event" ang religious gathering na nangyari sa Bontoc sa ngayon.
Detalye sa 17 UK variant case
Sa ngayon, ganito na ang itsura ng 17 naitatalang kumpirmadong kaso ng UK variant cases sa Pilipinas.
- 12 kaso mula Bontoc, Mountain Province
- 1 kaso mula La Trinidad, Benguet
- 1 kaso mula CALABARZON
- 1 kaso mula Leon, Iloilo (galing Lebanon)
- 1 kaso mula Binangonan, Rizal (galing Lebanon)
- 1 kaso mula Quezon City (galing sa UAE)
Napag-alamang UK variant ang mga sumusunod matapos ang sequencing na ginawa ng UP-PGC sa mahigit-kumulang 1,154 samples. Sa lahat ng 'yan, 14 ang itinuturong "local cases."
Sa kabila nito, tatlo na lamang sa mga nagkaroon ng UK variant sa Bontoc ang nananatili sa ospital, habang siyam na sa kanila ang discharged. Isa sa mga Bontoc cases ang may "critical disease."
Sinasabing hanggang 70% na mas nakagagawa kumpara sa karaniwang COVID-19 ang UK variant.
Sa huling ulat ng Kagawaran ng Kalusugan nitong Linggo, umabot na sa 513,619 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, patay na ang 10,242.
- Latest