MANILA, Philippines — Hindi pa natutukoy ang carrier ng na-detect na UK variant ng COVID-19 sa 12 katao sa Bontoc, Mountain Province.
Ito’y matapos kumpirmahin ng awtoridad na nakapasok na sa Cordillera ang mas malalang bersiyon ng virus na nagmula sa United Kingdom.
Ang swab specimen ng 12 katao sa Bontoc na nagpositibo sa COVID-19 nitong unang linggo ng Enero ay sinuri ng Philippine Genome Center (PGC), na may kakayahang tumukoy ng UK variant ng virus.
Ang 12 ay pawang mga kaanak na ka-barangay ng isang 43-anyos na OFW na umuwi mula sa UK noong Disyembre 11.
Ayon kay Karen Lonogan, Senior Health Program Officer ng DOH Cordillera, nagnegatibo sa COVID ang OFW nang isalilalim siya sa RT PCR test sa airport noong Disyembre 12 kaya nakauwi ito ng Bontoc.
Gayunman, nagpositibo sa virus ang OFW kasunod ng pagwawalwal nito sa iba’t ibang lugar noong Disyembre 29.
Ani Lonogan, hindi pa opisyal ang ipinabatid na resulta ng PGC subalit hindi nila isinasantabi ang teorya na may ibang taong mula sa ibang bansa ang nakalusot sa Bontoc at nagkaroon ng kaugnayan sa 12.
Samantala, mahiwaga pa rin sa kagawaran kung paano nagkaroon ng UK variant ang isang ahente sa La Trinidad, Benguet na umano’y wala namang travel history.