MANILA, Philippines — Malaki ang tsansa na hindi maisasama sa ‘vaccination program’ ng pamahalaan ang mga buntis makaraang na hindi irekomenda ito ng World Health Organization (WHO).
Sinabi ni Health Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire na ipinayo ng WHO na huwag munang isama ang mga buntis sa paggamit ng bakuna ng Pfizer-BioNTech.
Pero sinabi ni Vergeire na kokonsulta pa rin sila sa mga eksperto sa larangan ng obstetrics at gynecology upang makakuha ng payo kung magiging masama ang COVID-19 vaccine sa ina at sa kaniyang dinadalang sanggol. “Kami po ay nakikipag-usap ngayon sa society ng obstetrics and gynecology para mahingi po natin ang posisyon nila at malaman kung anong klaseng bakuna ang maaaring maibigay sa mga buntis,” ayon kay Vergeire.
Base pa sa abiso ng WHO, kung ang isang buntis ay may ‘high exposure’ sa mga COVID-19 positive na pasyente, maaaring ikunsidera na mabigyan siya ng bakuna.
May pag-aaral rin naman ang WHO na ang mga buntis ay mas malaki ang tsansa na makakuha ng malalang uri ng COVID-19 kaysa sa mga hindi buntis.
Bukod dito, may mga pananaliksik din na kung makakuha ng COVID-19 ang isang buntis ay tataas ang panganib ng kaniyang pagdadala sa sanggol at panganganak.