MANILA, Philippines — Tiniyak ni Department of Transportation Secretary Arturo Tugade na matatapos ngayong taon at mapapasimulan agad ang operasyon ng P4.8 bilyong Bicol International Airport (BIA).
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, tiniyak ito sa kanya kamakailan ni Sec. Tugade.
Sa talaan ng DOTr nitong Enero 13, 2021, mga 72.2% nang tapos ang BIA at mabilis ang paggawa nito dahil isa ito sa mga prayoridad sa ilalim ng programang ‘Build, Build, Build’ ng administrasyong Duterte.
Ang BIA ay itinuturing na “Most Scenic Gateway” o pinakamagandang pasukan sa Pilipinas dahil sa alindog ng kilalang Bulkang Mayon sa hindi kalayuan. Inaasahang malaki ang maiaambag nito sa pagbangon mula sa pagkakalugmok dulot ng pandemyang Covid-19, lalo nang pinadapang ‘aviation industry,’ at pagsulong ng matibay na pambansang ekonomiya.
Tinatayang 2 milyong pasahero ang mapagsisilbihan ng BIA taun-taon. Inaasahan ding gagawin nitong “economic powerhouse” ang Albay na sentro ng Bikolandia, at bubuksan ang yaman ng Timog Luzon.
“Malaki ang magiging papel ng BIA sa pagbangon ng bansa, lalo na kapag muling nabuksan na ang ‘international travel’,” paliwanag ni Salceda na siyang bumalangkas at nagtulak sa proyekto.
Inaasahan ni Salceda na tutuparin ni Tugade ang pangako nito sa kanya na mapasisimulan ang operasyon nito bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte.