Mga barko mula sa 21 bansa bawal pumasok sa Pinas
MANILA, Philippines — Pansamantalang hindi rin muna papayagang makapasok sa Pilipinas ang mga barko na nanggaling sa mga 21 bansa na nasa ilalim ng travel ban dahil sa pagkakaroon ng kaso ng bagong variant ng COVID-19.
Ayon sa Maritime Industry Authority (MARINA), bawal munang makapasok ng bansa mula Disyembre 30 hanggang Enero 15 ang mga barko na may travel history sa mga bansang nasa ilalim ng ban partikular na ang United Kingdom at kasama na rin ang Estados Unidos.
Ang mga Pilipino at dayuhang marino na sakay ng barko na may travel history ngunit nasa ‘transit’ o kaya ay nakarating na sa Pilipinas bago ang Disyembre 30 ay pinapayagan na makapasok sa bansa pero kailangang sumailalim sa mahigpit na quarantine at testing protocols.
Ang Filipino seafarers ay iku-quarantine sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)-assigned facilities at sa Athlete’s Village sa New Clark City kung saan sagot ng gobyerno ang kanilang akomodasyon.
Samantala, ang foreign seafarers ay iku-quarantine naman sa Department of Tourism (DOT)-assigned facilities ng 14 na araw.
Ang mga Pilipinong marino naman na ang barko ay walang travel history sa mga ban na bansa ay kakailanganin pa rin na sumailalim sa 14-mandatory quarantine kahit na may negatibo silang resulta ng RT-PCR test.
- Latest