Bagong hawa ng COVID-19 sa bansa 'highest sa nakalipas na 71 araw'

Nagpapa-swab test ang nakatatandang babaeng ito sa isang mobile testing site para malaman kung siya'y may COVID-19 o wala
The STAR/Walter Bollozos, File

MANILA, Philippines — Sumirit sa 2,163 ang bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ngayong Lunes, dahilan para umarangkada ito patungong 502,736.

Nasa 26,839 pa rin sa mga nahawaan ang "aktibong kaso," o yaong mga nagpapagaling pa sa ngayon.

Kakaonti naman ang bagong COVID-related fatalities sa bilang na 14. Sumatutal, 9,909 na ang kabuuang bilang ng mga namamatay sa sakit, bagay na malayong-malayo sa 465,988 na gumaling dito sa ngayon.

Lugar na may pinakamararaming fresh cases

  • Davao City, 134 (General Community Quarantine)
  • Cagayan, 100 (Modified General Community Quarantine)
  • Quezon City, 99 (GCQ)
  • Leyte, 93 (MGCQ)
  • Cavite, 75 (MGCQ)

Anong bago ngayong araw?

Ngayong 2,163 ang nai-report na bagong nahawaan ng COVID-19, ito na ang pinakamataas na single-day increase simula pa noong ika-8 ng Nobyembre, 2020 kung saan 2,442 ang isinipa ng infections.

Nangyari ito isang araw matapos lumampas sa kalahating milyon ang tinatamaan ng nakamamatay na karamdaman sa Pilipinas nitong Linggo.

Basahin: Coronavirus cases in the Philippines breach 500,000 

Sa kabila rin ng patuloy na pagkatikom ng Palasyo at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa tunay na presyo ng mga iproprocure na COVID-19 vaccines ng gobyerno, tiniyak naman ng Palasyo na hindi hihigit sa P700 ang isang dose ng bakuna laban sa COVID-19.

Aabot sa 500,000 bakuna mula sa Sinovac ang sinasabing ido-donate ng Tsina sa gobyerno ng Pilipinas.

May kinalaman: Sinovac 'provided very good pricing to the Philippines,' exec says

Umaabot na sa halos 93.2 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, 2.01 milyon na ang pumapanaw. — James Relativo at may mga ulat mula kina Gaea Katreena Cabico at Xave Gregorio

Show comments