Sinovac vaccine P650 lang kada dose – Roque

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang Sinovac vaccine ng China ay nagkakahalaga lamang ng P650 per dosage na ka­sing presyo lamang umano sa ibang bansa.

Paliwanag ni Roque, kaya hindi pa inilalabas ng gobyerno ang tunay na presyo ng Sinovac ay dahil ang presyo ng China ay hindi tulad ng ibang kumpanya na dikta ng kapitalista sa merkado.

Maaari pa rin uma­nong baguhin ang presyo ng China dahil depende kung sino umano ang bibili nito, kaya ito ang dahilan kung bakit hindi pa inaanunsiyo ng nasabing bansa ang tunay na halaga nito.

Ayon pa kay Roque, ang bawat dose ng Sinovac ay maaaring magkahalaga ng hindi pa aabot o hihigit sa P650 bawat dose tulad ng presyo sa Indonesia taliwas sa mga ulat na P3,600 para sa dalawang dose.

Kaya giit ng tagapagsalita ng Palasyo, fake news ang kumakalat na balita na P3,600 ang si­ngil ng China.

Nilinaw naman ni Ro­que na kaya pinili ng gobyerno ang bakuna sa China bagama’t 50% lang ang efficacy rate nito sa trial sa Brazil ay dahil walang naiulat na naospital sa mga binakunahan nito.

Show comments