Paninira vs Sinovac gawa ng oposisyon - Roque
MANILA, Philippines — Produkto lamang umano ng paninira ng oposisyon ang mga lumalabas na impormasyon na pinakamahal sa anim na brand ng COVID-19 vaccine ang Sinovac.
Ito ang sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque sa gitna ng sinisimulan ng pagbili ng bansa kontra sa COVID-19 na inaasahang unang darating ang Sinovac na gawa mula sa China.
Sinabi pa ni Roque na nasa gitna o mid-range lang ang presyo ng Sinovac na iba sa gustong palabasin ng oposisyon na bukod sa mataas ang presyo ay mababa din ang efficacy rate.
Aniya pa, walang katuturan ang ginagawa ng mga kritiko, dahil napatunayan na rin sa ibang bansa tulad ng Turkey matapos ang clinical trial doon na nasa 91.25 ang efficacy rate ng Sinovac gayundin sa Indonesia.
Mismong si Indonesian President Joko Widodo ay nagpaturok ng bakuna ng Sinovac gayundin ang Health Minister ng Turkey.
Ang pahayag ni Roque ay bunsod sa kumakalat sa social media na naghahambing ng presyo ng mga bakuna na umano’y nabili ng Indonesia ang Sinovac sa halagang 200,000 Rupiah o P683 bawat dose.
Nilinaw niya na hindi pinakamahal ang Sinovac at hindi umano ito ang pangalawa sa pinakamahal na bakuna kundi pang tatlo sa anim na brand.
Pawang paninira lang umano ng oposisyon ang mga negatibong balita tungkol sa Sinovac, ayon pa kay Roque.
- Latest