MANILA, Philippines — Tiniyak ng Palasyo na darating na sa Pilipinas sa susunod na buwan ang bakuna kontra COVID-19 mula sa Pfizer na mula sa Estados Unidos at Gamaleya na mula naman sa Russia.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang mas maagang pagbibigay ng bakuna mula sa Pfizer kahit hindi masyadong marami ay patunay lang na hindi pumapabor ang gobyerno sa kahit anong brand.
Kung alin lamang umano ang makakarating sa Pilipinas sa lalong madaling panahon ay iyon lamang ang kukunin.
Paliwanag pa ni Roque na hindi rin imposible na sa Pebrero ay dumating na ang bakuna mula sa Gamaleya ng Russia.
Nauna na ring sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., na patapos na ang procurement deal ng gobyerno para sa COVID-19 vaccine sa Novavax, Moderna, AstraZeneca, Johnson & Johnson, at Gamaleya Institutes.
Kahapon ay inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang aplikasyon ng Pfizer para sa emergency uses na mas pinaiksi kumpara sa 21 na araw sa karaniwang anim na buwang review bago ang paggamit nito.