MANILA, Philippines — Aminado ang Department of Health (DOH) na wala pang pag-aaral kung magiging epektibo rin ang mga nililikhang COVID-19 vaccine sa mga bata habang hinihintay pa ang resulta ng ‘vaccine trials’ sa kabataan.
Sinabi ni Health Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire na hindi pa kasi nakasama ang mga bata sa mga ikinasang ‘vaccine trials’ sa buong mundo at ngayon pa lamang ikinakasa ng mga manufacturers.
“Hihintay muna tayo ng sapat na ebidensya kung saan nasubukan na ang mga bakuna sa mga bata bago po natin mapatupad ‘yan dito sa ating bansa,” ayon kay Vergeire.
Naging problema rin dito base sa World Health Organization (WHO) ang mababang bilang ng mga bata na dinapuan ng virus para magkaroon ng epektibong pag-aaral sa bisa ng bakuna sa kanila.
Plano ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 50 hanggang 70 milyong Pilipino ngunit hindi pa malinaw dito kung kasama ang mga bata at ang edad ng mga sasailalim sa vaccination program.