MANILA, Philippines — Hindi pa magarantiyahan ng gobyerno kung gaano katagal ang ibibigay na proteksyon ng mga bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) kahit na milyun-milyong doses na ang bibilhin ng gobyerno para sa mamamayan.
Ito ang kinumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeiere, Miyerkules, sa Laging Handa briefing ng pamahalaan habang patuloy na nananalasa ang pandemya sa buhay at kabuhayan ng mga Pinoy.
"[H]indi pa ho natin talaga mabibigyan ng accurate na sagot kung bawat bakuna ay ilang taon ang maibibigay, o ilang buwan ang maibibigay na immunity [laban sa COVID-19]," banggit ni Vergeire kanina sa reporters.
"Ito po ay patuloy pa ring pag-aaralan."
Una nang sinabi ng vaccine manufacturer na Moderna na hindi bababa sa isang taon ang proteksyong kayang ibigay ng kanilang gamot laban sa kinatatakutang COVID-19, bagay na pumatay na sa 9,554 katao sa Pilipinas.
Aabot sa P73.2 bilyong pondo ang ilalaan para sa pagbili ng mga bakuna. P40 bilyon rito ay sinasabing nagmula sa multilateral agencies, P20 bilyon mula sa domestic source at P13.2 bilyon galing sa bilateral agreements.
Ngayong araw lang nang kumpirmahin ni vaccine czar at peace process adviser Secretary Carlito Galvez Jr. na kapipirma pa lang ng gobyerno ng kasunduan sa AstraZeneca para makakuha pa ng 20 milyong doses ng kanilang COVID-19 vaccines.
Bukod pa 'yan sa 25 milyong doses ng bakuna mula sa Chinese manufacturer na Sinovac na inaasahang darating pinakamaaga sa Pebrero, kahit na sinasabi ng isang Brazilian study na nasa 50.4% lang ang efficacy nito. Meron ding deals ang local government units para mag-procure ng mga gamot.
BASAHIN: Kilalanin: Unang 25-M Pinoy na tuturukan ng COVID-19 vaccine ayon sa sektor
Bagama't wala pa raw depenidong ebidensyang hawak ang Republika ng Pilipinas pagdating sa haba ng proteksyong ibibigay ng mga gamot, importante daw itong isyu pagdating sa pagpili ng bakunang kukunin ng bansa.
"When we talk about immunity na dulot ng mga bakuna, napakaimportante po niyan, dahil 'yan po ang magsasabi kung how long the population could be protected from a specific disease."
"Kaya nga lang po, sa current situation natin, isa pa rin po 'yan sa titignan at patuloy na titignan sa patuloy na pag-aaral dito po sa pagro-rollout ng mga bakuna."
'Herd immunity' maabot sa 2021 o hindi?
Plano ng pamahalaan na maturukan ng bakuna ang aabot sa 60-70% ng populasyon ng Pilipinas para raw maabot ang "herd immunity." Tumutukoy 'yan sa hindi direktang proteksyon mula sa nakahahawang sakit oras na naging immune na ang populasyon sa pamamagitan ng bakuna o hindi pagtalab ng sakit sa nauna nang pagkakahawa.
Gayunpaman, hindi pa raw ito mangyayari sa 2021 sabi ng World Organization (WHO) kahit na inawit na ni Health Secretary Francisco Duque III ang posibilidad nito.
MAY KINALAMAN: 'Herd immunity' vs COVID-19 baka maabot ng Pilipinas ngayong 2021 — DOH
"Alam po natin 'yung global supply ngayon ng bakuna ay limitado. Alam din po natin na lahat na may kompetisyon dito sa pagkuha ng mga bakuna na ito," paglilinaw ni Vergeire, patungkol sa pautay-utay na pagpasok ng bakuna sa Pilipinas.
"Kaya nga po tayo ay naglagay ng mga prooprity population."
Bagama't hindi pa raw agad maaabot ang herd immunity, matitiyak daw ng pagpraprayoridad ng gobyerno na maiiwasan ang "severe infection" na madalas mangyari sa vulnerable sectors gaya ng senior citizens, healthcare workers at iba pang frontliners.
Kahapon lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na walang ibang makapapasok na bakuna laban sa COVID-19 sa Pilipinas hanggang Hunyo kung hindi ang Chinese vaccine ng Sinovac.