MANILA, Philippines — Binababantayan ngayon ng ilang dalubhasa ang Lungsod ng Marikina sa patuloy na pagdami ng kaso ng coronavirus diserase (COVID-19) sa Kamaynilaan matapos ang mga pagtitipon na naganap kaugnay ng holiday season nitong mga nakaraang linggo.
Ayon sa bagong pag-aaral ng OCTA Research, umakyat sa 1.17 ang reproduction rate ng virus — o average na bilang ng taong pwedeng mahawaan ng isang infected person. Hinalaw daw nila ang datos mula sa Department of Health (DOH).
"There is a clear upward trend now [in the National Capital Region]... and if this upward trend continues, the local governments will need to implement measures to reverse this direction before the pandemic gets out of hand," sabi ng OCTA Research sa ulat ng ABS-CBN.
"[A local government unit] of concern is Marikina, which not only increased by 127% compared to the previous week, the case reports also increased compared to two weeks ago. Marikina also had the highest positivity rate among NCR LGU’s at 11%."
Ika-apat lang ang Marikina sa listahan ng may pinakamataas na "attack rate" habang Quezon City naman ang numero uno sa arawang COVID-19 infections sa bilang na 76.
Sa kabila niyan, malaki ang itinalon ng Marikina pagdating sa porsyento ng daily infections: mula 11 (December 28-January 3) patungong 25 (January 4-10).
Bukod pa riyan, napansin ng OCTA na hindi bababa sa 10% ang itinaas ng bagong COVID-19 cases araw-araw sa ilang probinsya noong nakaraang linggo kung ikukumpara sa linggo ng ika-28 ng Disyembre, 2020 hanggang ika-3 ng Enero.
Ang mga nasabing probinsya, na may positivity rate na lagpas 10% ay ang Davao del Sur (kasama ang Davao City), Isabela, Quezon, Misamis Oriental, Pangasinan, Agusan del Sur at Negros Oriental.
DOH: Nazareno, post-holiday surge hindi pa kasama riyan
Kinumpirma naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire. Martes, na halos pareho ang transmission rate na 'yan sa datos nila, na kasalukuyang "1.1" para sa kanila.
Sa kabila, niyan, dapat raw mag-ingat sa mga datos na inilalabas sa ngayon. "We have to interpret cautiously itong ating mga kaso sa ngayon," sambit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Martes.
"We have seen that for these past four days ano, nakita natin na tumataas ang mga kaso natin compared to the 7-day moving average natin na meron tayo during the holiday period."
Bumaba pa raw kasi ang laboratory outputs, o 'yung mga datos na naproproseso ng mga pasilidad, noong Kapaskuhan at Bagong Taon nang hanggang 30% lalo na't kumokonti ang mga nagpapakonsulta sa panahong yaon.
Ngayon-ngayon pa lang daw nagnonormalisa ang operasyon ng mga laboratoryo, bagay na makaaapekto raw sa bilang: "Gusto pa natin tignan pa nang by another one week pa siguro so we could have a more accurate conclusion kung ano talaga ang trends ng mga kaso natin," sambit pa ng DOH official.
Pagdating naman sa posibleng epekto ng Pista ng Itim na Nazareno nitong Sabado — na dinaluhan ng halos kalahating milyong deboto — kailangan pa raw magbilang ng 14-araw para sa incubation period ng COVID-19.
Despite constant reminders from authorities and church organizers, devotees of the Black Nazarene were observed to be...
Posted by Philippine Star on Friday, January 8, 2021
"After 14-days or maybe 2-3 weeks, tska po natin makikita kung sakaling makakaapekto ito sa bilang ng mga kasong... sa ngayon," panapos ni Vergeire.
"There are still intervening factors."
Sa kabila nito, naninindigan ang DOH na nagsta-"stabilize" ang COVID-19 cases sa NCR, ngunit mas nakikita nila raw ang mga pagsipa sa mga probinsya.
Quarantine protocols hihigpitan ba?
Ayaw naman manisi ng Malacañang sa mga hindi nakasunod sa minimum public health standards sa nakaraang holiday season at Traslacion 2021, wika ni presidential spokesperson Harry Roque: "Ang nangyari ay nangyari na. Hindi na natin maibabalik ang panahon," saad niya sa katatapos lang na media briefing ngayong hapon.
Aniya, wala na raw magagawa pagdating sa mga nakikitaan na ng sintomas pagdating sa mga hindi nakapag-distancing nitong mga nakaraang araw. Mainam na makapag-isolate na raw ang mga magpapakita ng sinyales ng virus at makapagpa-test anim na araw matapos ang Traslacion.
Sa kabila niyan, may sapat naman na raw na kapasidad ang mga pagamutan para pagalingin ang mga darapuan ng COVID-19.
Pagdating sa katanungan kung ibabalik sa mahihigpit na lockdown ang mga lugar bilang paghahanda sa pagsirit ng mga kaso, ito na lang ang naging sagot ng tagapagsalita ng presidente: "That would depend on the data po. Ang pinaka-importanteng data na tinitignan natin is 'yung 2-week attack rate at ang critical care capacity," ani Roque.
"Ngayon po, maluwag naman po."