MANILA, Philippines — Mahigit sa 420,000 Pinoy ang permanenteng nawala ng trabaho noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic, ayon sa Department of Labor and Employment.
Sinabi ni DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay, dahil sa nasabing bilang, tumaas ng 10.2% ang unemployment ng bansa.
Nasa 4.5 milyong manggagawa ang naapektuhan ng “flexible work arrangement” at pansamantalang pagsasara ng mga negosyo.
“Doon po sa monitoring naman ng Department of Labor and Employment ng job displacement, mahigit 420,000 po ang permanently nawalan ng trabaho, at meron din pong 4.5 million workers affected by flexible work arrangement at temporary closure,” ani Tutay.
Inasahan naman ng DOLE na mas gaganda ang pananaw ng lahat ngayong 2021 at malaki ang pagkakataon na makabangon ang ekonomiya at mga manggagawa.
Nakatuon din aniya ang National Employment Recovery Strategy sa mga negosyo at mga manggagawa.
Idinagdag ni Tutay na sa 2021 ang mga trabahong patuloy na in demand ay sa sektor ng kalusugan, construction at business process outsourcing (BPO).
Bukod sa mga nabanggit, in-demand din ang mga nasa information technology, customer service representatives, programmers, encoders, mga app and game developers.
Magkakaroon din aniya ng mga job vacancies o job positions sa gobyerno.