DOH: Pinay OFW tinamaan ng 'mas nakahahawang COVID-19 strain' sa Hong Kong
MANILA, Philippines — Sa unang pagkakataon, inamin ng Department of Health na isang overseas Filipino citizen ang babaeng tinamaan ng mas nakahahawang mutation ng coronavirus disease matapos makumpirma ng Hong Kong authorities ang kaso ilang araw na ang nakalilipas.
"Yes, the HK case is a Filipina domestic helper," banggit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga reporter ngayong Huwebes.
Miyerkules ng gabi ng magbigay ng mga karagdagang detalye ang DOH hinggil sa nasabing infection ng United Kingdom variant ng COVID-19, matapos matuklasan ng Hong Kong authorities na nanggaling sa Cagayan Valley Region at National Capital Region (NCR) ang 30-anyos na babae.
Basahin: Bagong COVID-19 UK strain nasipat ng Hong Kong sa Manila passenger; DOH naghahanda
May kinalaman: Manila passenger na may 'new COVID-19 variant' negatibo sa test bago lumipad sa HK
Sinasabing umalis Pinay sa Cagayan Valley noong ika-17 ng Disyembre, 2020 at dumating sa Metro Manila sa sumunod na araw para ma-quarantine alinsunod sa workplace protocol.
Sumakay naman sa flight ng Philippine Airlines flight PR300 ang pasyente, bago tuluyang tumulak sa ibayong-dagat.
"A day after, on Dec. 19, 2020, she was tested using RT-PCR which yielded a negative result," sabi ng kagawaran.
"The case left for Hong Kong on Dec. 22, 2020 where she underwent quarantine upon arrival. On Jan. 2, 2021, she underwent RT-PCR testing again where the swabs tested positive and detected to also be positive for the UK variant. She remains in isolation and in stable condition."
Una nang sinabi ng Philippine Genome Center at Kagawaran ng Kalusugan na hindi pa nakararating ng Pilipinas ang UK at South African variant sa Pilipinas, ayon na rin sa mga datos na nakalap ng gobyerno noong Nobyembre at Disyembre noong nakaraang taon.
Dahil diyan, hindi iniisantabi ng ilang eksperto mula sa OCTA Research at DOH na posibleng nakuha ng Filipinas ang bagong strain ng COVID-19 nang lumapag na siya sa Hong Kong.
Nagpapatuloy pa rin naman daw ang contact tracing efforts upang matukoy kung sinu-sino ang mga nakasalamuha ng Filipina passenger, habang ginagawa rin ito ng mga otoridad ng Tsina.
Basahin: DOH: Contact tracing ongoing after traveler from Philippines found to have new COVID-19 variant
"There is also ongoing contact tracing by the concerned epidemiology and surveillance units in Cagayan Valley Region and NCR," patuloy ng DOH kagabi.
"They have been instructed to ensure strict quarantine of identified close contacts and for samples collected from said contacts to be sent for confirmatory testing and, if samples test positive, subsequent whole genome sequencing."
Kasalukuyang nagpapatupad ng sari-saring travel restrictions sa maraming bansa ang Pilipinas, kasama na ang Estados Unidos, UK at South Africa bilang pag-iingat sa pagpasok ng mas nakahahawang COVID-19 strain.
Anim na bansa pa ang idinagdag sa higit 20 bansang pinatawan ng ban kahapon, kasama na ang Poland, India, Finland, as well as Norway, Jordan at Brazil simula bukas.
Sa huling ulat ng DOH kahapon, umabot na sa 480,737 ang tinatamaan ng COVID-19 sa bansa. Sa bilang na 'yan, patay na ang 9,347.
- Latest