MANILA, Philippines (Updated 11:24 a.m.) — Kinumpirma ng isang senador ang pagkaka-hack ng kanyang credit card, Miyerkules ng umaga — bagay na nag-iwan nang katakut-takot na gastusing pagkain sa kanyang bank account.
"My credit card has just been hacked!" sambit ni Sen. Sherwin Gatchalian sa kanyang Twitter account, Miyerkules.
"May nag order ng P1M worth of food sa Food Panda in less than an hour. Ano yan lauriat para sa buong barangay???"
My credit card has just been hacked! May nag order ng P1M worth of food sa Food Panda in less than an hour. Ano yan lauriat para sa buong barangay??? pic.twitter.com/pfpcck9tG6
— Sherwin Gatchalian (@stgatchalian) January 6, 2021
Kasama sa mga inorder ng kawatan — na tila gutom na gutom — ang apat na magkakahiwalay na order ng pagkain na nagkakahalaga ng P300,851, P356,517, P323,247 at P92,265.
Sumatutal, pumapatak ng P1.07 milyong halaga ng pagkain ang iniwang financial damage ang iniwan ng hacker sa lawmaker.
Hindi pa natitiyak kung anu-anong putahe ang kinatatakaman ng salarin noong panahong iyon.
"The hacker managed to change my registered phone number so he got the OTPs. He knew what he was doing. I just don't know how he will eat a million worth of food," pagtatapos ng senador.
Sa ilalim ng Republic Act 11449, pinapatawan nang mas mabibigat na parusa ang lalabag sa Access Devices Regulation Act of 1998 na naamyendahan noong taong 2019.
Kasama sa mga pinarurusahan nito ang mga gawi na sakop ng "access device fraud," gaya na lang ng skimming o counterfeiting ng credit cards, payment cards at debit cards, paggawa o pagproseso ng software o hardware para sa iligal na access ng impormasyon, iligal na online access sa online at ATM banking cards at hacking.
Aabot sa hanggang P5 milyong multa at habambuhay na pagkakakulong ang pinakamatinding penalty para sa lalabag dito. — James Relativo