Bagong COVID-19 UK strain nasipat ng Hong Kong sa Manila passenger; DOH naghahanda
MANILA, Philippines — Namataan ng mga otoridad mula sa Hong Kong, China ang kaso ng panibagong uri ng coronavirus disease mula United Kingdom sa isang pasahero na galing ng Maynila nitong ika-22 ng Disyembre, 2020.
Sinasabing mas nakahahawa ang COVID-19 mutation mula UK kaysa sa orihinal na strain galing Tsina.
Kasalukuyang tinatawag na "case 9009" ang nahawaan, na siyang lumipad ng Hong Kong sa pamamagitan ng PR 300.
"[Case] 9003 took the PR 300 and arrived in Hong Kong on the 22nd of December from [the] Philippines," sabi ni Chuang Shuk-Kwan, head ng communicable disease branch ng Hong Kong health department.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakikipag-ugnayan na sila sa International Health Regulation Focal Point mula sa Hong Kong Ministry of Health para sa mga karagdagang detalye sa kaso.
"Also retrieving the flight manifest for the identified flight. We will be informing as soon as we get complete information," ani Vergeire.
Wala pa namang balita kung Pilipino o Tsino ang nasabing pasahero.
Kasalukuyang nagpapatupad ng travel ban ang Pilipinas sa mahigit 21 bansa, kasama ang UK, South Africa at Estado Unidos, dahil sa sari-saring COVID-19 mutations na sinasabing mas mabilis makapanghawa ng iba.
Martes lang nang itatag ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang Technical Working Group on COVID-19 Variants alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
"This technical working group will monitor and identify the occurrence of new variants of COVID-19 in the country and will provide policy recommendations to the IATF on the appropriate response regarding these variants," ayon sa pahayag ng Presidential Communications Operations Office, Miyerkules.
"Department of Health Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire will chair the technical working group. Executive Director Jaime Montoya of the Philippine Council for Health Research and Development will serve as co-chair."
Sa huling ulat ng Department of Health, umabot na sa 779,693 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas kahapon. Sa bilang na 'yan, pumanaw na ang 9,321 katao. — James Relativo at may mga ulat mula kay Bella Perez-Rubio at Agence France-Presse
- Latest