100K Chinese sa Pinas naturukan na ng COVID-19 vaccine
MANILA, Philippines — Aabot sa 100 libong Chinese na nasa Pinas na karamihan ay POGO workers ang naturukan na ng COVID-19 vaccine.
Ito ang ibinunyag kahapon ni Teresita Ang See, pangulo ng Phillipine Association of Chinese Studies.
Napag-alaman na noong Nobyembre pa umano nagsimula ang pagbabakuna sa mga POGO workers na nasa Pinas na isang bagsakan lamang na 200,000 doses.
Binigyang diin ni Ang See na lehitimo o sa official channels nagmula ang bakuna kontra COVID-19 na itinurok sa mga Chinese POGO worker maging sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Samantala, positibo ang naging pananaw ng Malacañang sa impormasyon.
Bagaman wala pang natatanggap na ulat dito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nangangahulugan na nabawasan ng 100,000 na posibleng carriers ng virus sa bansa.
“Wala po akong impormasyon. Kung totoo man, eh ‘di mabuti! One hundred thousand less possible carriers of the COVID-19 virus,” ani Roque.
Pero sinabi rin ni Roque na hindi niya masasagot kung papaano nakapasok sa bansa ang bakuna at kung sino ang nagpasok.
“Well, wala po akong kasagutan diyan ‘no. Ang sinasabi ko lang kung totoo ha pero of course, hindi ko kinukumpirma iyan ‘no – that’s a hundred thousand less possible carriers of COVID-19. Iyon lang po ang aking masasabi diyan,” ani Roque.
Samantala, maging si Ambassador to China, Chito Sta. Romana ay hindi makumpirma kung totoo ang nasabing ulat na bukod sa mga miyembro ng Presidential Security Group ay nabakunahan na rin ang nasa 100,000 na Chinese.
- Latest