MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ng Malacañang ang paggamit ng ilang kawani ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bakunang minanupaktura ng Sinopharm laban sa coronavirus disease (COVID-19), kahit na hindi pa ito rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA).
Sabado kasi nang aminin ni Pangulong Rodrigo Duterte na marami nang sundalo ang naturukan ng Chinese vaccine, bagay na gusto raw niya: "I do not want a sickly Armed Forces and a sickly police."
"Hindi po ipinagbabawal ng batas natin ang magpaturok nang hindi rehistrado. Ang bawal po 'yung distribution at pagbebenta," wika ni presidential spokesperson Harry Roque, Lunes, sa isang press briefing.
"Ang ipinagbabawal ay benta. Wala poing bumili ng mga bakuna na naturok sa ating kasundaluhan. Hindi po ipinagbabawal ang pagturok maski hindi pa rehistrado, 'wag lang ibenta, 'wag i-distribute. Basahin po natin ang FDA law," ani Roque, na isang abugado.
Bawal ang importasyon pero ipinasok ng Pilipinas?
Sa ilalim ng Republic Act 9711, o FDA Act of 2009, ipinagbabawal ang sumusunod:
"The manufacture, importation, exportation, sale, offering for sale, distribution, transfer, non-consumer use, promotion, advertisement, or sponsorship of any health product which, although requiring registration, is not registered with the FDA pursuant to this Act."
Hindi klaro kung ipinasok sa Pilipinas ang vaccines ng Sinopharm na ibinigay sa mga sundalo o kung nagpaturok sila sa ibang bansa na may emergency use authorization (EUA).
Ayon pa kay Roque, ligtas naman "daw" ang unauthorized drugs na ito lalo na't matagal na raw itong ligal na ibinibigay sa mga mamamayan ng Tsina simula nang bigyan ito ng EUA roon.
"July pa lang po ng taong ito ay ibinibigay na po ang Sinopharm at Sinovac sa mahigit isang milyong katao sa Tsina," dagdag ni Roque.
"At 'wag po tayong mag-agam-agam kung hindi tayo makakuha ng mga Western vaccines dahil matagal na pong nandiyan 'yan sa China."
Una nang sinabi ng isang clinical trial sa Brazil na "pasok sa 50%" ang pagkamabisa ng Sinovac drug - na isa pang bakuna mula Tsina. Ito ang threshold na hinihingi ng World Health Organization (WHO) pagdating sa mga bakuna. Gayunpaman, ilang jurisdiction na gaya ng Turkey ang nagsasabing "91% effective" ito matapos idaan sa preliminary tests.
Basahin: Senators: 50% Sinovac efficacy unacceptable
May kaugnayan: Turkey to start using China's COVID-19 vaccine after strong results
Walang pang ino-otorisa ang FDA ni isang bakuna laban sa COVID-19 sa Pilipinas. Gayunpaman, nag-apply na para sa EUA ang American company na Pfizer.
"'Wag niyo namang ipagkait sa ating mga sundalo kung nagkaroon sila ng proteksyon. Tanggapin na lang po natin na importante na 'yung ating kasundaluhan, 'yung mga nagbabantay sa ating seguridad ay ligtas na sa COVID," patuloy ni Roque.
AFP 'walang alam' sa turukan
Sa kabila ng pinagsasabi ng pangulo, iba-iba ang pahayag ng mga opisyales ng AFP pagdating sa pagbabakuna kontra COVID-19 sa kasundaluhan.
Kung si Maj.Gen. Edgard Arevalo na AFP spokesperson ang tatanungin, wala raw silang nalalaman dito bilang institusyon.
"The AFP is not aware of COVID-19 inoculation made to military personnel. We do not have an AFP leadership-sanctioned vaccination. We are getting details," wika niya sa isang ulat ng ABS-CBN.
May kinalaman: Lacson: Bantang ibasura ang VFA maaring maglimita sa Pilipinas sa Chinese COVID-19 vaccine
Ayon naman kay Vice Admiral Giovanni Baccordo na hepe ng Philippine Navy, wala pa raw nakakakuha sa Navy o Marines ng Sinopharm vaccine sa ngayon.
Iba naman ang naging tono ni Lt. Gen. Cirilito Sobejana, Army chief, nang tanungin sa panayam sa radyo: "I know po. Personally, I know na meron nang nabakunahan sa hanay po ng Armed Forces," saad niya.
Sinabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año na may ilan na siyang kilala sa Gabinete at Presidential Security Group na nakatanggap na raw ng gamot, ngunit iginiit na hindi pa ito naibibigay kay Digong.
Walang sinabi si Año kung anong bakuna ang alam niyang naibigay na, ngunit ibinigay daw ito sa pamamagitan ng EUA.
Hindi pa rin masagot ng Malacañang kung maituturing na government-sanctioned ang pag-iineksyon ng Sinopharm drug sa ngayon.
Sa huling ulat ng Department of Health (DOH) nitong Linggo, sinasabing umabot na sa 469,886 ang tinatamaan ng COVID-19 sa bansa. Sa bilang na 'yan, patay na ang 9,109.