MANILA, Philippines — Maaring maging dahilan ang pakikitungo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Estados Unidos sa pagkonti ng mapagpipilian ng Pilipinas na bakuna sa gitna ng patuloy na pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ito ang sinabi ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson, Lunes, matapos ang mga tirada ni Digong nitong Sabado na "dapat dumalis" ang mga tropang Amerikano sa Pilipinas — na saklaw ng Visiting Forces Agreement (VFA) — kung hindi sila makakapagdala ng 20 milyong bakuna mula US.
"No vaccines no VFA! Treating the Americans like a bunch of yokels might have sealed our fate to settle for China’s Sinovac in lieu of the US made Pfizer BioNTech and Moderna vaccines," banggit ni Lacson kanina.
No vaccines no VFA! Treating the Americans like a bunch of yokels might have sealed our fate to settle for China’s Sinovac in lieu of the US made Pfizer BioNTech and Moderna vaccines.
— PING LACSON (@iampinglacson) December 28, 2020
Ilang araw pa lang ang nakararaan nang sabihin ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na handa ang Amerikanong kumpanyang Moderna Therapeutics at Arcturus Therapeutics na magdala ng 25 doses ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas kung makitang katanggap-tanggap ng gobyerno ang kanilang proposals.
Hindi pa otorisado ng Food and Drug Administration ang anumang bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas, habang nag-apply na para sa emergency use authority ang US firm na Pfizer.
Basahin: Envoy: 2 US firms ready to supply up to 25M COVID vaccine doses to Philippines
May kaugnay: Pfizer deal just delayed; Duque dropped the ball?
Maaanghang na salita ang pinakalawan ni Digong laban sa Amerika kamakailan dahil sa mga bakuna, habang binabanatan ang kawalan daw nila ng kakayahang bigyan ng vaccines ang sariling mamamayan.
"Ang kanila lang kasi kay iyong [VFA], matatapos na. Ngayon, ‘pag hindi ako pumayag, aalis talaga sila. Kung hindi sila maka-deliver ng maski na lang a minimum of mga 20 million vaccines, ah they better get out. No vaccine, no stay here," ani Duterte.
"Loko-loko talaga itong Amerikano. Bigay ka, bigay. Wala na maraming ingay. So they are put on notice that if you cannot produce the vaccine, 20 million at least, immediately… Ah mahirap ka nga diyan mismo in your own — you in your own country."
Pebrero 2020 nang unang ideklara ni Duterte ang kanyang kagustuhang putulin ang VFA, na nagbibigay kapangyarihan sa mga sundalong Amerikano na makapaunta ng bansa nang walang pasaporte o visa, matapos tanggalan ng US visa si Sen. Ronald dela Rosa — isang kaalyado ni Duterte.
Basahin: Restore Bato’s US visa or VFA scrapped – Duterte
May kinalaman: 'Pagbasura sa VFA dapat dahil sa soberanya, hindi sa paglalamyerda ni Dela Rosa'
Dapat ay magiging epektibo ito 180 araw matapos noon ngunit sinuspindi ng anim na buwan nitong Hunyo, bagay na naulit pagsapit ng Nobyembre.
Sa parehong pulong, binanggit ni Presidential Adviser on Peace Process at NTF COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr, na Mayo 2020 ang pinakamaagang pagdating ng mga kanluraning bakuna laban sa COVID-19, isang sakit na tumama na sa 469,886 at pumatay sa 9,109 katao sa Pilipinas.
"Then another US-based – India-based vaccine, we might be having our contract signed by January. Pfizer also by January, sir. And also Moderna, we just have an initial arrangement for 20 million doses," wika ni Galvez.
Kung makukuha ng Pilipinas ang Novavax, AstraZeneca, Pfizer, J&J at Moderna, papalo sa mahigit-kumulang 80 milyong doses ng bakuna laban sa COVID-19 ang makararating sa bansa. Nakikipagnegosasyon na rin ang Gamaleya ng Rusya para sa 20 milyon pang doses.
Nobyembre lang nang pirmahan nina Galvez, 30 private sector representatives at ng AstraZeneca ang kontrata para mabili angh nasa 2.6 milyong doses ng COVID-19 vaccines, bagay na madadagdagan pa.
Isyu sa Sinovac
Una nang sinabi ng isang clinical trial sa Brazil na "pasok sa 50%" ang pagkamabisa ng Sinovac drug - na isa pang bakuna mula Tsina. Ito ang threshold na hinihingi ng World Health Organization (WHO) pagdating sa mga bakuna. Gayunpaman, ilang jurisdiction na gaya ng Turkey ang nagsasabing "91% effective" ito matapos idaan sa preliminary tests.
Kilalang kaibigan ni Duterte si Chinese President Xi Jinping kahit na inaagaw nila ang ilang isla, bahura at katubigan sa West Philippine Sea na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Basahin: Senators: 50% Sinovac efficacy unacceptable
Kontrobersiyal din ang pagdepensa ni Duterte sa isa pang bakuna mula sa Tsina na likha ng Sinopharm, bagay na in-inject na raw sa maraming tao sa Pilipinas kasama ang kasundaluhan.
"Let me tell you, many have already been injected with Sinopharm," sabi pa ni Duterte noong Sabado.
"Iyon ang... Sumasakit ‘yung ulo ng iba, hindi ako. Halos lahat ng sundalo natusukan na. I have to be frank and I have to tell the truth. I will not foist a lie. Marami nang nagpatusok and lahat. Up to now, wala akong narinig sa — for the select few — not all soldiers, not all soldiers, hindi pa kasi policy eh." — may mga ulat mula kay Jonathan de Santos