MANILA, Philippines — Ngayong araw inaasahan na pipirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang national budget para sa susunod na taon.
Ayon kay House Appropriations Chairman at ACT-CIS Rep. Eric Go Yap, ang P4.5 trillion national budget ay nakapaloob sa Government Appropriation Act (GAA) of 2021.
Sa naturang budget, handa ang pamahalaan na tugunan ang mga pangangailangan ng sambayanan sa susunod na taon lalo ang pagbili ng bakuna, ayon kay Yap.
Aniya, “P72.5 billion ang inilaan namin ng senado para sa Covid vaccine program next year.”
Ang education sector tulad ng DepEd, CHEd, TESDA, at SUC ang nakakuha ng pinakamalaking pondo na umabot sa P738 billion.
Ipinagmalaki rin ng mambabatas na dumaan sa masusing pagbusisi ang 2021 national budget.