MANILA, Philippines — Pinuntahan ng grupo ni Senator Christopher “Bong” Go ang Balay Pahulayan, isang temporary resting area, at biniyayaan ng ayuda ang mga bantay ng pasyente sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City.
Bukod sa mga pasyente at watchers, binigyan din ng pamasko ni Sen. Go ang mga hospital workers.
Tradisyon na ni Go na mamahagi ng Pamasko sa Balay Pahulayan taun-taon para maibsan ang lungkot ng mga pasyente at ng kanilang mga bantay sa mga ganitong panahon.
“Mayroon akong pinadala diyan sa mga kapatid natin dahil alam kong hirap tayo ngayong Pasko lalo na dito sa hospital sa mga pasyente, importante na matulungan sila. Babati lang ako sa inyo ng ‘Merry Christmas and Happy New Year’,” ani Go sa kanyang video message.
Ginagawa ito ni Go, lalo ngayong nasa gitna ng pandemya ang bansa, para buhayin ang diwa ng Pasko ng mga naghihikahos at naghihirap.
Muling ipinaalala ng senador na ang sinomang may karamdaman ay maaaring makahingi ng tulong o medical assistance sa gobyerno sa pamamagitan ng Malasakit Center.
Pinasalamatan ni Go si Dawn Banzon, ang namamahala sa Balay Pahulayan, gayundin ang mga medical workers at hospital staff sa pagtiyak na magiging maaayos ang pagpapatakbo sa pasilidad.
“Pakiusap ko lang po ay unahin natin ang mga mahihirap, dahil kawawa po ang mga pasyente na walang malapitan kung hindi ang ating ospital lang po. Huwag natin pabayaan ang mga kababayan nating nangangailangan. Salamat po sa inyong serbisyo,” ang apela niya sa medical workers.
Muling tiniyak ni Sen. Go na siya at si Pangulong Duterte ay patuloy na pagsisilbihan ang mga Filipino sa abot ng kanilang makakaya.