Pagsisisi ng killer cop ‘di tanggap ng pamilya Gregorio
MANILA, Philippines — Kahit abot-langit ang iyak at pagsisisi ni P/Sr. Master Sgt. Jonel Nuezca ay hindi tanggap ng pamilya Gregorio ang paghingi nito ng tawad sa pagpatay sa mag-inang Sonia, 52 at Frank Anthony, 25, naturang killer cop.
Sinabi ni Rosario Gundran, panganay na kapatid ni Sonya, magsasagawa sana sila ng reunion nga-yong Kapaskuhan na may pagsunod sa health protocols pero nauwi ito sa burol.
Ayon kay Gundran, masyadong malalim ang sakit na iniwan ng pagpatay sa kaniyang kapatid at pamangkin at hindi sapat ang pagsisisi ni Nuezca.
Batay sa report, nagsisisi si Nuezca at naluha pa sa kulungan na sinabing nabigla lamang umano siya kaya nabaril niya ang mag-ina matapos ang nilikhang ingay ng pagpapaputok ng boga ni Frank Anthony na kaniyang sinita.
Kaugnay nito, inihayag naman ni PNP Chief P/Gen. Debold Sinas na bibigyan nila ng proteksyon ang mga Gregorio upang tiyakin ang kaligtasan ng mga ito.
“Ise-secure muna namin for the time being,” pahayag ni Sinas, matapos itong dumalaw sa burol ng mga biktima noong Martes.
“Iyong mga witness ay ire-recommend for witness protection,”dagdag pa ng opisyal.
Ang mga sinabi ni Sinas ay malugod namang tinanggap ni Florentino Gregorio dahil sa ngayon ay balot ang pamilya ng takot at pangamba sa kanilang buhay.
Parehong proteksyon din naman ang kanilang ibibigay sa pamilya Nuezca dahil posibleng gawan din ito ng masama ng ibang tao.
Ayon naman kay Central Luzon Police director Brig. General Val De Leon, wala nang kakampi si Nuezca at ang tangi lamang nitong magagawa ay ang magdasal sa kulungan.
Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek na si Police Staff Sgt. Jonel Nuezca, habang hinihintay ang commitment order ng korte kung saan ito ikukulong dahil sa double murder na isinampang kaso laban dito na hiwalay pa sa kasong administra-tibo na kinakaharap nito. — Raymund Catindig
- Latest