Panukalang ibalik ang 'bitay' inilutang uli sa gitna ng pamamaril sa Tarlac

Sa undated file photo na ito, makikitang hawak-hawak ng human rights advocate na ito ang isang papel na tumututol sa panunumbalik ng parusang bitay sa Pilipinas
The STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Bitay daw ang solusyon para mapigilan na ang mga karumal-dumal na krimen gaya ng pamamaril ng isang pulis sa 'di armadong kapitbahay sa Paniqui, Tarlac ayon sa ilang senador — bagay na pinapalagan ngayon ng ilang sektor at human rights advocates.

Ilan sa mga nananawagan para reimposition ng capital punishment ay sina Sen. Manny Pacquiao at Sen. Ronald "Bato" dela Rosa, sa dahilang hindi na raw papatay ang mga tao kung alam nilang papatayin din sila ng gobyerno.

"[S]a tingin ko, ito na lang ang kulang upang [maging] mabilis at [maging] epektiboi ang ating pagbibigay ng hustisya sa ating kababayang biktima ng heinous crimes," ayon sa boxer-turned-politician, Martes.

"Gayunpaman, nananawagan ako sa ating mga kababayan: Huwag po nating husgahan ang ating buong [Philippine National Police] dahil sa ginawa ni [Police SMSgt. Jonel] Nuezca."

Ayon naman kay Dela Rosa, na dating hepe ng PNP, mahalagang sandata ang pagbabalik ng bitay para na rin matakot ang mga kriminal na gumawa ng sala sa takot ng kamatayan.

Muli namang nagbigay ng suporta ang Palasyo sa mga suwestyon na 'yan. Gayunpaman, nananatiling nasa lehislatura raw ang bola kung gustong maibalik ito nang tuluyan.

"Malinaw po ang stand ng Presidente [Pangulong Rodrigo Duterte] diyan. Pabor po ang presidente sa death penalty, lalong-lalo na po sa wide-scale drug trafficking. Pero nasa kamay na po 'yan ng mga mambabatas," ani presidential spokesperson Harry Roque kanina sa isang press briefing.

Bayan Muna: Bitay? Itigil na lang kaya EJK?

Bagama't kinukundena rin ng mga progresibo sa kamara, tutol naman ang Bayan Muna sa mga inilalakong sagot nina Pacquiao at Dela Rosa sa pagsawata ng mga karumal-dumal na krimen.

Sa esensya, nakaugat pa rin naman daw kasi sa pag-eengganyo ni Duterte sa police brutality ang ginawang pagbaril ni Nuezca sa ulo nina Sonya Gregorio at anak na si Frank Anthony Gregorio nitong Linggo.

"Instead of using this to opportunistically push the agenda of reinstituting death penalty, this must be used to end the state policy of extrajudicial killings," ani Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite.

"We don't need harsher punishment but the certainty of justice. As it was revealed, Senior Master Sergeant Jonel Nuezca faced several cases including 2 homicide cases but he was not dismissed, punished, and disarmed."

Dagdag pa niya, lumalakas ang loob ng mga gaya ni Nuezca dahil sa mga pahayag ni Digong na basta "mamaril" kay may "maliit" lang na pagkakamali.

Aniya, ang tunay na tatapos sa serye ng karahasan ay ang pagtitiyak na naibibigay ang katarungan sa mga biktima.

Lalabagin ng Pilipinas ang niratipikahan nitong Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR) noong 2007 kung ibabalik nito ang parusang bitay. Kumakatawan ito sa isang international law na naglalayong gawing relic ng nakalipas na panahon ang parusang kamatayan.

'Kulang na si Nuezca lang parusahan'

Kanina lang din nang sabihin ni Marco Valbuena, chief information officer ng Communist Party of the Philippines (CPP), na produkto ng pagkasuklam ni Duterte sa karapatang pantao ang henerasyon ng mga sundalo't pulis na "handang pumatay ng hindi armado."

"Hindi pwedeng maghugas kamay si Duterte. Si Msgt. Nuezca, halimaw na lalang ng kanyang pasismo. Dapat siyang parusahan," sabi ni Valbuena.

"Subalit di sapat na pagbayarin ang isang pulis, kung araw-araw ay nangagkalat ang mga unipormadong pumapatay at naninindak sa bayan."

— may mgaulat mula sa News5 at ONE News

Show comments