Paputok bawal sa Metro Manila!
MANILA, Philippines — Sa unang pagkakataon ay walang magaganap na putukan gamit ang firecrackers ngayong Kapaskuhan at sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ito’y matapos na magpalabas na ng resolusyon nitong nakalipas na Huwebes ang Regional Peace and Order Council ng National Capital Region (NCR) na nagrerekomenda sa pagbabawal o ban sa paggamit ng kahit na anong paputok sa Metro Manila ngayong holiday season.
“Ang Resolution No. 19-2020 or Resolution Recommending the Banning the Use of Firecrackers in the NCR, ito ang resolusyon na binaban ang pagpapaputok. Pinasa po ‘yan ito lang linggong ito,” ang naging pahayag sa Dobol B News TV kahapon ni Dr. Laila Celino, head ng Health Promotion and Media Relations Unit ng Department of Health – NCR.
Ang Regional Peace and Order Council ng NCR ay binubuo ng metro mayors at mga opisyal ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Sinabi ni Celino na ang ipinasang resolusyon ay base sa pagtaas ng firecracker-related incidents sa 2019 holiday season at sa banta na rin ng COVID-19.
“Tandaan din po kasi natin kapag magpapaputok sila, so lalabas sila. Kapag lumabas po ang mga tao sa kalsada, puwede pong magkaroon ng mga mass gathering,” paliwanag ni Celino.
Ang Metro Manila aniya, na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ay nagbabawal ng mass gathering kaya inaasahan na ipatutupad ang ban ng mga lokal na pamahalaan sa NCR sa pamamagitan ng mga ordinansa.
- Latest