MANILA, Philippines — Aminado si Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na dapat din siyang sisihin sa naunsyaming pagbili ng bakuna kontra sa COVID-19 mula sa kumpanyang Pfizer dahil sa kabiguan na makapagsumite sa takdang oras ng Confidentiality Disclosure Agreement (CDA).
Ayon kay Romualdez, dapat sana ay tinawagan niya mismo si Health Secretary Francisco Duque III at sabihin na kailangan na nilang pirmahan muna ang CDA.
Giit pa ng ambassador na ang CDA ay kailangan para tiyakin sa Pfizer na ang bibilihing bakuna ay hindi ipapamahagi ng gobyerno ang teknolohiya na nasa likod ng paggawa ito.
Sa kabila nito, hindi naman nasabi ni Romualdez kung tuloy pa rin ang pagbili ng bakuna sa Pfizer.
Ito ay dahil ang Moderna rin ay may katulad na teknolohiya kahit na hindi na makuha agad ang Pfizer.
Sinabi rin umano sa kanya ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez na kausap pa rin nila ang Pfizer at hindi sila iiwanan bagama’t na-delay lamang ito.
Nauna nang ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson na ang kabiguan ni Duque na magsumite ng CDA kaya nabigo ang bansa na mabigyan ng 10 milyon COVID-19 vaccines mula sa Pfizer sa Enero 2021.