Defensor ayaw isuko ang komite kaya sinibak
MANILA, Philippines — Hindi isinuko ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor ang kaniyang puwesto sa kabila ng pagpapalit ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kaya sinibak ito bilang Chairman ng House Committee on Public Accounts.
Bago mag-session break ang Kamara, napagdesisyunan at napagbotohan na palitan na si Defensor bilang chairman ng nasabing komite.
Sa naging botohan, ninais ng mayorya sa Kongreso na ihalal si Probinsyano Ako partylist Rep. Jose “Bonito” Singson Jr.
Inalok naman ni Singson si Defensor na ipagpatuloy ang papel sa imbestigasyon ng kaniyang dating komite.
Bunga nito ay nagpasaring si Defensor kay House Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon naman kay Deputy Speaker at Buhay party-list Rep. Lito Atienza, Oktubre pa nila hinihintay ang pagbibitiw ni Defensor sa puwesto na dapat nito talagang isuko lalo pa at isa itong kaalyado ni dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.
Si Defensor umano ang sinasabing naghimok para magkaroon ng palitan ng mga chair at deputy speakers sa kasagsagan ng gulo sa term-sharing ng Speakership sa Kongreso.
- Latest